Default Thumbnail

Isali ang PILOSOPIYA sa Paaralan ng Bukas

August 20, 2022 Magi Gunigundo 695 views

Magi GunigundoANG mundo ng ating mga lolo at lola noon bata pa sila, ay ibang iba na, sa mundo sa kasalukuyan, at sa hinaharap na titirhan ng kanilang mga apo. Hindi natin maikakaila na ang teknolohiyang DIGITAL ng 4th Industrial Revolution sa 21st siglo ay kamangha-mangha ang bilis ng kilos at puwersa ng mga pagbabagong tinutulak nito sa lahat ng direksyon ng ating lipunan, kultura, edukasyon, ekonomiya , politika, kalusugan, at pati sa digmaan.

Ipinaliwanag ni Jacob Morgan na ang mundo ngayon ay isa nang higanteng lungsod, at hindi na sagabal ang wikang ginagamit mo, ang kultura kung saan ka nakabilang, ang pera kung saan ka nakikipagtransaksyon, at ang iyong pisikal na lokasyon upang mabuhay. Nananatili tayong konektado sa ating pamilya, mga kaibigan, at iba pang tao. Kaya nating makuha ang impormasyon sa internet anumang oras, kahit saan. Ang trabaho ay hindi na isang lugar na pinupuntahan ngunit isang bagay na dala mo sa iyong bulsa. Ang mga organisasyon ay maaaring gumamit ng talento galing saan man sa mundo. Nakikita natin ang pagsibol ng mga bagong modelo ng trabaho gaya ng online selling, vlogging, at “study or work from home.”

Ang pagbabago ng anyo at dinamiko ng galaw sa mundo ng paggawa ay nangangailangan ng pagbabago ng sistema ng edukasyon na makaluma na ang mga kasanayan na binibigay. Sinabi ni Karthik Krishnan (Global CEO, Britannica Group, Abril 13,2020)na ang kasalukuyang sistema ng edukasyon ay dinisenyo para matugunan ang pangangailangan sa mga pabrika at opisina na nalikha ng 1st, 2nd at 3rd Industrial Revolution na nag-umpisa noon 1760. Nakatutok lamang ito sa IQ , partikular sa pagsasaulo ng doktrina at istandardisasyon ng kaisipan ng mga batang magiging manggagawa na magpapatakbo ng makina at tagapahamala ng tao sa pabrika ,at sekretarya na nagmamakenilya , sasagot sa teleponong analog at iba pang gawain klerikal sa mga opisina sa kalunsuran.

Sa panahon ngayon, ang taong pinanday sa pagiging kabisote ay siguradong hindi na magkakatrabaho dahil mapapalitan sila ng artipisyal na katalinuhan. Sinabi ni McKinsey at Co na kasing dami ng 45% ng mga serbisyo na ginagampanan ngayon ng tao ay malamang magiging awtomatiko na gamit ang teknolohiyang digital.

Sinabi ni Andreas Scheicher na ang mga paaralan ng bukas ay kailangang turuan ang mga mag-aaral na mag-isip para sa kanilang sarili at makisali sa iba, nang may empatiya, malasakit sa trabaho at pagkamamamayan. Kakailanganin nilang tulungan ang mga mag-aaral na magkaroon ng isang malakas na pamantayan ng tama at mali, sensitibo at bukas sa mga sinasabi ng iba sa kanila, kaalaman sa mga limitasyon bilang indibidwal at inisiyatibo na lumahok sa kolektibong pagkilos (PISA Insights and Interpretations, OECD 2019).

Minumungkahi natin na isama ang PILOSOPIYA sa kurikulum para sa mga paaralan ng bukas. Sa pamamagitan ng pagpapabuti ng kritikal na pag-iisip, at pakikipagbuno sa mga pangunahing tanong sa etika, agham, relihiyon, pulitika, at lohika, ang pilosopiya ay nagbubunga din ng mas responsableng mga nag-iisip, na nagbibigay-daan sa atin na mas maunawaan ang mga pangunahing isyu sa lipunan.

Ang dakilang birtud ng pilosopiya ay hindi ito nagtuturo kung ano ang dapat isipin, ngunit kung paano mag-isip. Ito ang pag-aaral ng kahulugan, ng mga prinsipyong pinagbabatayan ng pag-uugali, pag-iisip at kaalaman. Ang mga kasanayang hinahasa nito ay ang kakayahang magsuri, mag-usisa at ikwestiyon ang mga matagal ng palagay at malinaw na ipahayag ang mga bagay sa lohikal na pamamaraan. Ang kakayahang magbalangkas ng mga tanong at sundin ang mga argumento ang esensiya ng edukasyon.

Ang mga estudyanteng aral sa pilosopiya ay patok sa mundo ng paggawa. Si Lucy Adams ng Serco ay nagsabi: “Ang pilosopiya ay nasa gitna ng aming desisyon sa pagpapapasok at pagpapaunlad sa hanay ng aming empleyado at pamunuan. Kailangan namin ng mga taong may kakayahang maghanap ng iba’t ibang diskarte at mangyayari lamang ito kung siya ay may bukas na isip sa mga isyu. Ang mga kasanayang ito ay itinataguyod ng mga pilosopikal na diskarte.”

Si Fiona Czerniawska ng Management Consultancies Association, ay nagsabi: “Ang pilosopiya ay nagsanay sa utak ng indibidwal at kabilang sa mga kasanayang ito ang kakayahang maging analitikal, nakapagbibigay ng malinaw at makabagong pag-iisip, at nakakabuo ng intelihenteng kwestiyon sa mga matagal ng tanggap na mga palagay.”

Sinabi ni George Carlin na “Hindi gusto ng mga gobyerno ang isang populasyon na may kakayahang kritikal mag-isip. Gusto nila ang masunuring mga manggagawa, ang mga tao ay sapat lamang ang talino upang patakbuhin ang mga makina, magbayad ng buwis, at walang kibong tanggapin ang kanilang kahirapan.” Tama kaya si George?

AUTHOR PROFILE