Salisi dinekwatan resort guests

March 28, 2022 Gil Aman 112 views

APAT kataong guest sa isang resort ang natangayan ng malaking halaga ng salapi, mga gadget, gayundin ang ibat-ibang personal na kagamitan ng isang lalaking suspek na nanghimasok sa mga biktima na naka-check-in sa loob ng Villa Marcelo Resort sa Purok 6, Bgy. 6, Bgy. Pansol, Calamba City, Laguna araw ng Sabado.

Kinilala ni P/Lt. Col. Arnel Pagulayan, hepe ng Calamba Police ang mga biktima na si Narlen Lumbera Tapia, Susana Leynes Guinto, Marvin Leynes Guinto, at Ronnel Tapia, pawang nasa hustong gulang.

Base sa inisyal na ulat ng Calamba Police, dakong alas-5:30 ng madaling araw ng pasukin ang tinutulugang kuwarto ng mga biktima ng suspek saka tinangay ang salapi na umaabot sa P75,000, Australian dollars na 150,000, Samsung Note Ultra na may halagang P70,000, Redmi Note 10 PRO (halagang P15,000), kasama ang shades na may halagang P5,400.

Natuklasan lamang ng mga biktima ng bigla silang nagising dahil sa kaluskos at ingay sa pagtakas ng hindi pa nakikilalang suspek.

Agad ipinaalam sa caretaker ng resort ang nangyaring pangsasalisi kung saan nakuhanan ang pagtakas nito dahil sa CCTV (closed-circuit television) footage na nakakabit sa lugar.

Kahapon din ay agad pinag-aralan ng pulisya ang pangyayari para kilalanin ang suspek at upang agad itong madakip.

AUTHOR PROFILE