Dead

RIDER TINUMBOK NAKAPARADANG TRAK, TIGOK

August 5, 2023 Zaida I. Delos Reyes 261 views

PATAY ang isang 54-anyos na rider matapos na aksidenteng sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa isang nakaparadang truck sa tabi ng highway sa Barangay Putol sa bayan ng Tuy sa Batangas nitong Biyernes ng gabi.

Nakilala ang biktima na si Joel de la Cruz, residente ng probinsiya.

Batay sa ulat ng Calabarzon Police, ang aksidente ay naganap sa kanang bahagi ng highway sa Bgy. Putol sa Balayan dakong 11:35 ng gabi ng Agosto 4.

Ayon sa report kay Tuy Municipal Police Station chief P/Maj. Eugenio Nephtali Solomon, minamaneho umano ng biktima ang kaniyang Motorstar motorcycle na pinaghalong kulay asul at puti, at binabagtas ang kahabaan ng Palico-Balayan-Batangas Road patungong Tuy town proper nang aksidenteng sumalpok ang kaniyang sasakyan sa isang kulay abong Howo dump truck na may plakang NDR 2530 na nakaparada sa kanang bahagi ng kalsada sa nasabing lugar.

Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ng ilang dipa ang biktima na nagtamo ng matinding sugat sa katawan, partikular na sa bahagi ng kaniyang ulo.

Naisugod pa ang biktima sa Don Manuel Lopez Memorial District Hospital sa karatig na bayan ng Balayan pero nabigo ng maisalba ang buhay nito. Idineklarang dead on arrival ang rider ng sumuring doktor na si Dr. Mildred Kalang.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. Ni ZAIDA DELOS REYES & JOJO CESAR MAGSOMBOL