Richard1

Richard at Sarah, itutuloy ang church wedding

February 23, 2023 Vinia Vivar 253 views

Sobrang concentrated si Richard Gutierrez sa kanyang action series sa ABS-CBN na The Iron Heart. Sa pagme-maintain pa lang ng kanyang fit na katawan ay hindi birong pagwo-work-out at diet ang kanyang ginagawa bago pa sila magsimula ng taping hanggang ngayon.

“’Pag nag-i-age ka, mas mahirap na mag-diet. Kumbaga, double or triple the effort pa,” sey ni Chard sa tsikahan with the entertainment press last Thursday.

“So, talagang matagal kong pinaghandaan, matagal ‘yung proseso bago ko na-achieve ‘yung gusto ko. Actually, I’m still working on it kasi feeling ko, ito pa lang ‘yung starting point ko,” dagdag ni Chard.

Bukod dito ay tinitiis niya ang filming sa Cebu na malayo sa kanyang pamilya. Sobrang nami-miss nga raw niya ang dalawa niyang anak na sina Zion at Kai and of course, ang asawang si Sarah Lahbati, kaya ang ginagawa niya, pinapapunta niya na lang ang mga ito sa Cebu.

Na-extend kasi ang The Iron Heart at nagsimula na nga last Monday ang airing ng Book 2.

Kaya naman mukhang matatagalan pa ang pagpapabalik-balik niya sa Cebu at Manila.

Dahil nga naka-focus siya ngayon sa The Iron Heart, nase-set aside ang plano nila ng misis na si Sarah Lahbati na magkaroon ng church wedding.

Matatandaang taong 2020 naka-schedule ang engrandeng kasal nina Richard at Sarah pero bigla ngang nagkaroon ng pandemic kaya kinansela nila ito at sa halip ay nagkaroon na lang sila ng intimate wedding ceremony.

Gusto pa rin daw nila siyempreng ituloy ang church wedding pero baka raw pagkatapos na lang ng The Iron Heart.

Nagsimula noong November, 2022 ang nasabing action serye at dahil sa magandang feedback ng viewers ay nabigyan ito ng extension kaya naman masayang-masaya si Chard dahil sulit ang lahat ng paghihirap niya.

Ito bale ang kanyang first lead role sa ABS-CBN na matagal niyang hinintay.

“Matagal kong hinintay ‘tong project na ‘to. Matagal kong hinintay na magkaroon ng lead role sa ABS-CBN, so finally, nabigyan nila ako ng opportunity,” ani Chard.

Bukod sa preparation physically and mentally, kasama rin si Chard sa pagbuo ng story and script at may mga input and suggestion din siya para mapaganda pa lalo ang programa kaya thankful siya sa Star Creatives.

“Kumbaga, collaborative ‘yung working relationship namin sa Star Creatives, kaya I think, isa rin ‘yun sa mga sikreto kung bakit tuluy-tuloy ‘yung, kumbaga, quality ng show na naibibigay namin,” sey ng aktor.

Sa bagong season ay marami raw bagong aabangan ang manonood. Papasok na si Ian Veneracion sa serye habang magbabalik naman ang mga karakter nina Baron Geisler at Ryan Eigenmann.

Napapanood ang The Iron Heart sa Primetime Bida weeknights on TV5, A2Z, The Filipino Channel and Kapatid Channel.

AUTHOR PROFILE