Manibela Source: FB file photo

QCPD kinasuhan mga opisyal ng Manibela

June 16, 2024 Melnie Ragasa-limena 96 views

SINABI ng Quezon City Police District (QCPD) na sinampahan na ng kasong kriminal sina Mario Valbuena, chairman ng Manibela Group, at Regie Manlapig, presidente ng MANIBELA Bulacan/San Fernando, Pampanga area, dahil umano sa paglabag sa batas sa naganap na transport strike sa Quezon City.

Isinampa ang mga kasong paglabag sa B.P. 880 (Public Assembly Act of 1985), Article 155 ng Revised Penal Code (Alarm and Scandals) at Article 151 ng RPC (Resistance and Disobedience) laban kina Valbuena at Manlapig sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Inorganisa ni Valbuena at iba pang mga lider ng naturang grupo ang transport strike na ginanap noong Hunyo 10-12 sa harap ng tanggapan ng LTFRB sa East Avenue, Quezon City.

Humigit-kumulang 200 protesters ang lumahok at nagpahayag ng mga saloobin ukol sa Public Utility Vehicle (PUV) phase-out program ng gobyerno.

Nagdulot ang protest-rally ng matinding abala sa publiko lalung-lalo na sa mga ibang motorista dahil sa pagharang sa mga pangunahing daanan sa Quezon City gaya ng Commonwealth Avenue, East Avenue at Quezon Avenue.

Sa kabila ng walang maipakitang permit mula sa Quezon City Local Government Unit (QC-LGU), ilang beses na nagtangkang makipag-dayalogo ang mga pulis ng QCPD subalit tumanggi ang mga lider ng grupo, kabilang si Valbuena, na makipagtulungan at hindi pinansin ang pakiusap ng mga pulis.

Isang girian ang naganap sa pamamagitan ng isang mamamahayag at ibang miyembro ng grupo noong nagprotesta ang MANIBELA.

Nag-uulat ang nasabing mamamahayag tungkol sa bigat nang daloy ng trapiko dulot ng protest-rally na ikinagalit ng grupo kung kaya’t sinuntok siya ng dalawang beses.

Nakatakdang magsampa ng kasong physical injuries ang mamamahayag laban sa ilang miyembro ng MANIBELA.