QCPDPS6

QC HS nakatanggap ng bomb threat sa FB

February 14, 2023 Melnie Ragasa-limena 325 views

ISA na namang paaralan ang nabulabog matapos na makatanggap ng bomb threat sa kanilang Facebook account ang mga guro at estudyante ng paaralan nitong Martes ng umaga.

Sa report ng Batasan Police Station 6 ng Quezon City Police Distirct (QCPD), nasuspinde ang klase sa Batasan Hills National High School na matatagpuan sa IBP Road, Batasan Hills, sa lungsod nang makatanggap ng bomb threat bandang 11:20 a.m. (February 14).

Batay sa inisyal na imbestigasyon, ang mga nakatanggap umano ng bomb threat sa kanilang FB account ay ang mga guro na sina Aimee Layag, Joane Nagua, at ilang mga estudyante ng paaralan.

Dahil dito ay agad na ipinagbigay alam ng mga guro sa kanilang principal na si Eladio H. Escolano ang natanggap na bomb threat, na siya namang nagreport sa mga awtoridad.

Agad namang nagreponde ang mga operatiba ng Explosive Ord’nance Disposal Unit kasama ang K9 at matapos na suyurin ang buong gusali ng paaralan ay wala namang natagpuang pampasabog.

Gayunman, masusi pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon sa naturang insidente upang mabatid kung sino ang nagpakalat ng bomb threat sa paaralan.