Default Thumbnail

Nag-Valentine sa kulungan!

February 14, 2023 Jonjon Reyes 353 views

IMBES na sa restoran o pasyalan, nag-Valentine ang apat na hinihinalang tulak ng shabu sa kulungan.

Ang mga suspek ay naaresto sa isang buy-bust operation na isinagawa Lunes ng gabi sa Intramuros, Manila.

Nakilala ang target ng operasyon na si Aldwin Dela Cruz alyas ‘Boss’, residente ng Mataas na Lupa , Barangay 726, Paco, Manila. Binitbit din sa presinto ang umano’y mga kasabwat nito na sina Robie, 35, binata, Monica, 26, at Maren, 38, kapwa dalaga.

Base sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Leandro Gutierrez, Manila Police District – Ermita Police Station 5 commander, pasado 8 p.m. nitong Lunes (February 13) nang matimbog ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ( SDEU) sa pamumuno ni PMaj.Pidencio “Jun” Saballo Jr. ang mga suspek sa Sta.Lucia Street malapit sa panulukan ng Real St., Brgy 658.

Isang nagpanggap na poseur buyer na umano’y miyembro ng SDEU ang nakabili ng maliit na sachet ng shabu sa halagang tig-isang daang piso.

Nang sumenyas ang nakabiling pulis, isang kumpas ng kamay ang naging hudyat para dakmain ang apat.

Nang magsagawa ng body search kay alyas Boss, nakita sa itim na wallet ang marked money na ginamit sa bentahan at ang hinihinalang droga na tumitimbang ng halos 100 gramo katumbas ng P680,000 na halaga.

Ayon kay Plt.Col. Gutierrez, patuloy ang kanilang operasyon laban sa bawal na gamot sa ilalim ng pinaiiral na programa ni MPD- Director Police BGen. Andre Perez Dizon na Oplan Galugad at Simultaneuos Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO). Bukod pa ito sa mga gumagalang riding in tandem na mga pasaway sa area ng Ermita.

Si alyas Boss ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 (Selling, Distribution and Possession of Dangerous Drugs) Article ll ng Republic Act 9165., habang ang tatlo umano nitong kasamahan ay kinasuhan ng paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) Art. II of R.A. 9165.

AUTHOR PROFILE