Shabu

‘Pusher’ tiklo sa higit P700K shabu sa Calamba

April 4, 2023 Gil Aman 176 views

KAMPO HENERAL PACIANO RIZAL – Aabot sa mahigit P700,000 halaga ng shabu ang nakumpiska sa isang pinaghihinalaang “pusher” ng iligal na droga na isang “high-value individual” (HVI) sa buy-bust operation ng Calamba police, madaling araw ng Martes, Abril 4, 2023.

Ayon kay Police Colonel Randy Glenn G. Silvio, acting provincial director ng Laguna Police Provincial Office (PPO), ang nadakip na suspek ay pawang residente ng Calamba City, Laguna.

Sa ulat ni P/Lt. Col. Milany E. Martirez, hepe ng Calamba City Police Station, ikinasa ang operasyon laban sa suspek bandang 12:53 ng madaling araw sa Bgy. Pansol sa naturang lugar na nagresulta sa pagkahuli sa HVI.

Narekober ang apat na plastic sachets ng shabu na tumitimbang ng 105 gramo at tinatayang nasa P714,000 ang halaga, sling bag na may P3,000, at ang markadong salapi na ginamit sa buy-bust operation.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Calamba police ang suspek na nahaharap sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at isinumite sa crime laboratory ang mga ebidensiya para sa forensic examination.

“Ang mga impormasyong ibinibigay ng ating mamamayan ang isang malaking susi sa pagkakaaresto ng mga taong sangkot sa iligal na droga.

Ang inyong pakikipagtulungan ay tungo sa kaayusan, kapayapaan, at kaunlaran ng buong Lalawigan ng Laguna,” pahayag ni Silvio.

AUTHOR PROFILE