Maranan

Pulis na nag-angas, nangwasak ng motor, timbog sa QCPD

October 6, 2023 Melnie Ragasa-limena 400 views

NASA kustodiya na ng Quezon City Police District (QCPD) ang pulis na nakaalitan ng isang Joyride driver noong Oktubre 2 sa Mindanao Avenue, Quezon City.

Ayon kay QCPD director PBGen. Redrico A Maranan, nakatalaga ang pulis na si PSMS Sahdire Agustin Ganotice sa Police Security and Protection Group (PSPG), National Headquarters sa Camp Crame, Quezon City.

Nawasak ang Honda Click (664 UDJ ) ni Federico Victoria, ang Joyride driver, at nasugatan naman sa paa ang pasahero niyang si Rayou Carbonnel matapos na matumba nang mabangga ni Ganotice na sakay ng Yamaha NMax.

Batay sa report ng District Traffic Enforcement Unit (DTEU)-Traffic Sector 6 sa ilalim ni PLt. Eugene Bulan, naganap ang banggaan dakong 11:30 ng umaga noong Oktubre 2 sa Brgy. Talipapa, Quezon City.

Tinakasan pa ni Ganotice ang Joyride driver kaya hinabol siya nito kaya muling nagpang abot.

Maangas din na sinabi umano ng pulis na: “O ito ID ko. Anong magagawa mo? Pulis ako eh” kaya hindi na nakakibo si Victoria.

Dahil sa sugat na natamo, ipinost naman ni Carbonnel sa Facebook ang kanilang sinapit.

Ngunit sa imbestigasyon at pagpupursige ng kapulisan, natimbog si Ganotice.