Gatchalian

Public math, science HS isinusulong ni Gatchalian

December 16, 2023 PS Jun M. Sarmiento 210 views

ISINUSULONG ni Sen. Sherwin Gatchalian na magkaroon ng public math at science high school sa buong bansa para matulungan ang pag-angat ng performance ng mga mag-aaral sa mathematical at scientific literacy kasunod ng resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA).

Iminungkahi ito ni Gatchalian sa kanyang panukalang batas na Equitable Access to Math and Science Act (Senate Bill No. 476). Sa ilalim ng panukala, ipapatayo ang isang pampublikong math at science high school sa mga probinsyang wala pa nito.

Naisip ng senador na magpasa ng ganitong bill nang lumabas ang resulta ng pinakahuling PISA na pang-76 sa 81 na bansa ang Pilipinas pagdating sa mathematics.

Bagama’t 472 ang average na markang naitala sa mathematics sa mga bansang kasapi ng Organisation for Economic Co-Operation and Development (OECD), umabot lamang sa 355 ang marka ng Pilipinas sa naturang subject.

Pagdating naman sa science, pang-79 sa 81 na bansa ang Pilipinas. Kahit na umabot sa 485 ang average grade sa mga bansang kasapi sa OECD sa Science, umabot lamang sa 356 ang average na naitala sa Pilipinas.

Pagdating sa mathematics, 84% ng mga mag-aaral na 15-taong gulang ang maituturing na may below minimum proficiency. Pagdating sa science, 77% ng mga mag-aaral ang nasa below minimum proficiency.

Nababahala si Gatchalian na kung mananatiling mababa ang proficiency level ng mga mag-aaral na Pilipino sa scientific at mathematical literacy, hindi magkakaroon ang bansa ng sapat at magagaling na siyentipiko, mathematicians, inhinyero at iba pang mga propesyonal na may mahalagang papel sa pag-unlad ng bansa.

Aniya, hindi yayabong ang sektor ng research and development kung walang scientifically literate workforce na mag-aangat ng income status ng bansa.

“Kung mapapatayuan natin ng pampublikong math at science high school ang bawat probinsya, maibibigay natin sa mas maraming mga kabataan ang klase ng edukasyong kinakailangan ng mga susunod na scientists, engineers, mathematicians at iba pang mga propesyonal sa ating bansa,” ani Gatchalian.

Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian, magpapatupad ang mga itatayong pampublikong math at science high school ng anim na taong integrated junior at senior high school curriculum na tututok sa advanced science, mathematics at technology subjects sa ilalim ng paggabay ng Department of Education (DepEd) at Department of Science and Technology (DOST).

Ibabatay ang curriculum na ito sa revised curriculum ng Philippine Science High School System para sa Grade 7 hanggang Grade 12.

Dapat mag-enrol ang mga graduates ng mga public math at science high schools na itatayo alinsunod sa panukalang batas sa mga larangan na tulad ng pure and applied sciences, mathematics, engineering, technology at iba pang larangan.