Duterte

PRO-ICC PROBE VS DUTERTE DUMARAMI

February 10, 2024 People's Tonight 160 views

DUMARAMI ang mga Pilipino na pabor sa pagsasagawa ng imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na nahaharap sa crimes against humanity kaugnay ng pagkamatay ng libu-libong Pilipino sa kanyang war on drugs campaign.

Ayon sa survey ng Social Weather Station (SWS), 53 porsyento ng mga respondent ang pabor sa pahayag na: “The ICC should investigate drug-related killings during the Duterte administration.”

Ang survey ay isinagawa mula Disyembre 8 hanggang 11 at mayroong 1,200 respondents. Ang resulta ng huling survey ay mas mataas ng walong porsyento kumpara sa 45 porsyento sa survey noong Marso 2023.

Sa 53 porsyento, 25 porsyento ang “strongly agree” at 28 porsyento ang “somewhat approve” sa pagsasagawa ng imbestigasyon ng ICC.

Ang mga tutol naman sa pagsasagawa ng imbestigasyon ng ICC ay bumaba sa 21 porsyento mula sa 24 porsyento at ang undecided ay bumaba sa 26 porsyento mula 31 porsyento.

Tinututulan ni Duterte ang imbestigasyon ng ICC.

Si dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV, isa sa unang naghain ng reklamo laban kay Duterte sa ICC, ay naniniwala na malapit ng lumabas ang warrant of arrest laban kay Duterte at sa kanyang mga kapuwa akusado.

Dumami rin ang mga Pilipino na naniniwala na dapat hayaan ng gobyerno ng Pilipinas ang mga imbestigador ng ICC na magsagawa ng imbestigasyon sa bansa. Ito ay mas mataas ng siyam na porsyento kumpara sa survey noong Marso 2023.

Nasa 29 porsyento ng mga respondent ang nagsabi na tiwala sila na magiging patas ang imbestigasyon ng ICC, tumaas mula sa 22 porsyento noong Marso 2023.

AUTHOR PROFILE