Salceda

Pondo para sa “Bicol Express” project nilagdaan

January 20, 2022 People's Tonight 327 views

DARAGA, Albay – Bibigyang buhay ang isang modernong “Bicol Express” ng kalalagdang kontrata para sa P142-bilyon Philippine National Railways (PNR) project na magpapalawak din sa pang-ekonomiyang hangganan ng Bikolandia, lilikha ng maraming trabaho at pagkakataon para sa mga Pilipino, at magpapababa sa presyo ng mga bilihin sa rehiyon.

Ayon kay Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda na Chairman ng House Ways and Means Committee, ang 380-kilometrong PNR project ay magiging bahagi ng isang ‘multi-modal, inter-modal transport system – air, land, and sea,’ na binalangkas niya nang chairman siya ng Bicol Bicol Regional Development Council (RDC) sa loob ng siyam na taon bilang gubernador ng Albay hanggang 2016.

“Ang pangarap o pananaw ay ikunekta ang Bicol Region, hindi lamang sa ibang bahagi ng bansa kundi ng buong mundo. Sa ilalim nito, bukod sa pagbiyahe ng mga pasahero, magiging sentro din o ‘transhipment hub’ ng mga pagbiyahe ng kargo ang Albay sa buong Timog Luzon,” paliwanag ni Salceda na siya ring co-chairman ng Economic Stimulus and Recovery Cluster ng Kamara.

Nilagdaan nitong nakaraang Enero 17 ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang kontrata sa PNR project na sasaklaw sa bahaging pagitan ng Calamba City at Daraga, Albay. Nilagdaan ito ni Tugade at ng mga kinatawang opisyal ng ‘Joint Venture of China Railway Group Ltd., China Railway No. 3 Engineering Group Co., Ltd., and China Railway Engineering Consulting Group Co., Ltd. (CREC JV).’

“Dahil sa nilagdaang kasunduang ‘design-construction,’ hindi na basta pangarap na lamang ang proyekto kundi isang prayuridad na katotohanan,” dagdag ng mambabatas. Matagal ding isinulong ni Salceda ang mga programang kaugnay sa proyekto kung saan kasama ang 1) ‘air transport’ sa pamamagitan ng BIA (Bicol International Airport); 2) ‘rail transport,’ ang PNR Bicol; 3) ‘road transport’ o ang Quezon-Bicol Expressway or QuBEx at TR-5 Matnog-Allen Bridge; at 4) ‘sea transport’ sa pamamagitan ng Pantao Port sa karatig na bayan ng Libon na gagawing isang Bicol Regional Sea Port.

Paiigsiin ng PNR ang biyahe sa pagitan ng Manila at Albay sa mga apat na oras na lamang mula 12 oras sa bus ngayon. Kasama sa nilagdaang kasunduan ang ‘design, construction, and electro-mechanical works’ sa riles ng train mula Calamba City hanggang Daraga, Albay. Kasama rin dito ang 23 estasyon, 230 mga tulay, 10 daang lusutan sa ilalim ng bundok, at isang 70-ektaryang imbakan at bodega ng mga gamit, ayon sa isang pahayag ng DOTr.

Kapag natapos at napaandar na ang proyekto, higit na maisusulong ng PNR ang nagosyo at turismo ng Bicol at mapalago ito ng 30%, at makalikha ng mahigit 5,000 kapaki-pakinabang na trabaho taon-taon.

Bilang paghahanda sa inaasahang mga kaganapang ito, pinasinayaan din kamakailan ang Daraga Integrated Market, Commercial and Transport Complex (IMCT) dito kung saan magiging bahagi ang PNR station. Mga isang kilometro lang ang layo nito sa BIA at magkakaroon din ng kuneksiyon sa mga pantalan ng Legazpi City, Pioduran, Pantao at sa Donsol at Castilla sa Sorsogon, pati na AH 26 (Pan Philippine Highway), sa pamamagitan ng Inter-modal Road System sa rehiyon.

AUTHOR PROFILE