Caramat

POLICE ESCORTS NI DEGAMO INABSWELTO NG CIDG

April 17, 2023 Zaida I. Delos Reyes 265 views

INALIS na ng Philippine National Police (PNP)- Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang posibilidad na pagkakasangkot ng mga police escorts ni Negros Oriental Governor Roel Degamo dahil sa pagliban ng mga ito sa trabaho sa araw na napatay ang opisyal.

Una nang kwinestiyon ni Senator JV Ejercito sa pagdinig sa Senate Public Order and Dangerous Drugs Committee kaugnay ng pagpaslang kay Degamo kung bakit hindi pumasok sa trabaho ang limang police security escort ng opisyal sa araw na pinaslang ito.

Ayon kay CIDG chief Police Brig. Gen. Romeo Caramat Jr., nagsagawa na sila ng imbestigasyon hinggil dito at nakita nilang wala namang sapat na dahilan upang isangkot ang mga police escorts sa kaso.

“We had an initial investigation doon sa mga bodyguards ni ex-Governor Degamo and most of them, matagal nang nagsisilbi doon kay Gov. Degamo and some of the policemen were [his] relatives. So ‘yung anggulo na may nag-traydor ay malabo ‘yun,” paliwanag ni Caramat .

“‘Yung absence, based doon sa provincial director ng Negros Oriental, they had their valid reason at nagpaalam naman daw sila. So tinignan namin. ‘Yung possibility na talagang if they intentionally nag-absent ay inaalis namin sa anggulo na ‘yun,” dagdag pa ni Caramat.

Una na ring sinabi ni Pamplona Mayor Janice Degamo, maybahay ng napaslang na gobernador na naniniwala siyang walang kinalaman ang mga police escorts ng kanyang asawa sa insidene.

Itinanggi rin niya ang mga naglabasang ulat na sadyang hindi pinag-report sa trabaho ang mga police escorts sa araw ng krimen.

Matatandaang si Degamo at walong iba pa ay napatay nitong nakaraang buwan makaraang ratratin ng mga armadong kalalakihan habang nagbibigay ng ayuda sa kanyang mga constituents sa loob mismo ng bakuran ng kanyang bahay sa Pamplona, Negros Oriental.