Caravan Nag-a-apply ng bagong License To Own and Possess Firearm (LTOPF) ang mga may ari ng armas sa ginanap na caravan sa Dr. Jose Lapuz Salonga Gymnasium sa San Antonio, Nueva Ecija nitong Martes, July 11. Kuha ni STEVE A. GOSUICO

PNP target mai-account higit na 11K loose firearms sa Ecija

July 12, 2023 Steve A. Gosuico 266 views

SAN ANTONIO, Nueva Ecija — Mayroong mahigit 11,000 loose firearms sa Nueva Ecija at target ng pulisya na ma-i-account lahat ng ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga License To Own and Possess (LTOPF) caravan habang papalapit ang darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ngayong Oktubre 30.

Sinabi ni Police Major Madcaid Jalman, ng firearms and explosives section ng Police Regional Office 3 regional civil security: “Inilalapit ng kapulisan ang serbisyo sa ating mamamayan dahil ang programa natin ay mabilang o ma-account natin ang loose firearms at dito sa Nueva Ecija mayroong mahigit 11,000 loose firearms or unregistered tayong hinahabol.”

Sa mahigit 11,000, ang primera klaseng bayan na ito ay may higit 380 na bilang ng loose firearms, sabi ni Jalman, at dagdag niya ay pinaiigting nila ang kampanya laban sa loose firearms bilang pag-hahanda sa BSKE polls sa susunod na Oktubre.

“Kung maaari ma-hit natin ang 100 percent ng mga accounts sa baril pero sa dami nito hindi tayo titigil para ma-account natin lahat, so continuous ang caravan nating ginagawa,” ani Jalman.

Dagdag ng police major: “Kasama natin dito sa caravan ang taga-Neuro para sa exams, ang Crime Lab to conduct drug test gayundin ang range officers natin to do gun ownership seminar sa mga baguhan.”

Ang isang araw na LTOPF caravan ay pinangunahan ng lokal na pamahalaan ng San Antonio sa pangunguna ni Mayor Arvin C. Salonga sa pakikipagtulungan ng Central Luzon Region 15 ng The Fraternal Order of Eagles-Philippine Eagles (TFOE-PE) na pinamumunuan bilang pangulo ni municipal budget officer Armando M. Cruz.

Pagkatapos ng caravan nitong Lunes, dalawang iba pang caravan ng LTOPF ang susunod na nakatakdang ganapin sa SM-City Cabanatuan sa Martes (Hulyo 12) at sa Nueva Ecija police provincial office sa Hulyo 19 at 20.

Si Vice Mayor Julie E. Maxwell, na nagmamay-ari ng Glock 43x pistol para sa kanyang sariling proteksyon, ay kasama din na kumuha ng serbisyo ng LTOPF.

Hinimok niya ang kanyang mga nasasakupan at mga may-ari ng baril na irehistro ang kanilang armas at laging tandaan na ang pagmamay-ari ng baril ay may kaukulang mga responsibilidad. .

Aniya, ang pagdaraos ng caravan sa bayang ito ay isang magandang pagkakataon para sa mga may hawak ng baril na taga-Nueva Ecija na mag-renew ng kanilang LTOPF at lisensya ng baril kaya hindi na nila kailangan pang pumunta sa Camp Crame sa Quezon City o Camp Olivas sa San Fernando City, Pampanga upang iproseso ang mga ito.

AUTHOR PROFILE