“Plataporma” dapat ihayag na ng mga kandidato

June 17, 2021 Paul M. Gutierrez 195 views

PaulMALAPIT na ang eleksyon. Kaya ngayon pa lang nagbabanatan na ang mga posibleng kumandidato bilang pangulo sa 2022.

Wala pa namang hayagan na nag-aanunsyo ng kandidatura sa panguluhan.

Yun nga lang, batay sa ikinikilos ng iilan malalaman mo na kung “sino” ang sasabak sa presidential at vice presidential elections.

Nandyang magbangayan tungkol sa COVD-19 response sina VP Leni Robredo at Mayor Sara Duterte. Nandyan din ang ginagawang pasundot-sundot ni Yorme Isko Moreno lalo na sa isyu na hindi anya “minamana” ang pwesto ng panguluhan sa bansa.

Nandyan din si Senador Manny Pacquiao na sunod-sunod ang pagbira pati na kay Pangulong Duterte na siyang “chairman” ng PDP-Laban, partidong kanyang kinabibilangan.

Sa totoo lang, marami pa ang mga lumilitaw na pangalan para kumandidato para sa top national positions.

Andyan si Senate President Tito Sotto, Senador Ping Lacson at maging si dating Senador Antonio Trillanes na nagpahayag na ng kanyang interes na tatakbo bilang pangulo kung hindi tatakbo si VP Leni para sa naturang posisyon. Nag-iisip din na sumabak ulit si Sen. Richard Gordon.

Nagsabi na rin si dating Speaker Alan Peter Cayetano na “he is seriously considering and discerning to run as president” o kaya iba pang national at maski lokal na posisyon.

Sa totoo lang, hindi na dapat gawing rason ng mga kakandidato ang pandemyang COVID-19. Ang dami kasing nagsasabi na hindi pa dapat pag-usapan ang pulitika dahil maaga pa, mali!

Sa Oktubre na ang filing ng certificate of candidacy kaya dapat ngayon pa lang ay inihahayag na ng mga posibleng kakandidato ang kanilang plataporma de gobyerno lalo na sa pagharap sa post COVID at new normal na magiging sitwasyon ng bansa.

Dapat din na ilahad nila sa publiko ang kanilang track record para hindi na magkagulatan pag umarya na ang kampanya.

Ngayon kasi, sa halip na sabihin kung ano gagawin nila para sa economic recovery ng Pilipinas iringan at bangayan ang ginagawa ng marami sa mga posibleng kandidato na hanggang ngayon ay hindi pa maamin, kahit sa kanilang sarili, na kakandidato sila gayung halata naman ang kanilang mga ambisyon.

Kaya nga, mabuti pa itong si dating Cayetano dahil kahit nag-iisip pa lang sya kung kakandidatong pangulo may mga naiisip na sya kung ano ang gagawin nya.

Eh ngayon pa nga lang libo-libo na ang mga nakatanggap ng Sampung Libong Pag-asa o 10K ayuda na kanyang programa kasama ang mga kaalyadong kongresista para maiahon ang ating mga kababayan na lubhang naapektuhan ng pandemya.

Ang sabi nga nya, dapat ipatawag ng NEDA ang lahat ng mga possible candidates upang tanungin at talakayin ang kanilang economic recovery plan para sa ating bansa.

Hindi kasi dapat “nanghuhula” ang mga tao kung ano ang gagawin ni ganito at ni ganyan kung panahon na ng kampanya. Dapat ngayon pa lang “cuentas claras” na, wika nga.

Sa totoo lang binabago ng Sampung Libong pag-asa ang buhay ng mga tao kasi hindi naman dole out o pangtawid gutom lang ito.

Ito ay pang-ahon ng ating mga kababayan sa kanilang sitwasyon ngayon. Kaya nga natural lang na may mga nagsasabi na namumulitika si Cayetano sa pamimigay ng 10K ayuda.

Pero, ang sabi naman ng dating speaker ay wala syang paki kung sabihan sya na namumulitika. Mas gusustuhin pa nyang masabihan na namumulitika pero marami ang natutulungan kaysa hindi namumulitika pero wala namang ginagawang tulong sa kapwa, oo nga naman, hehe.

Ang kailangan ngayon ng bansa ay bayanihan at dapat din itong isapuso ng bawat kandidato sa halip na ang kanilang sariling interes lamang ang kanilang iniisip.

Wala pa namang pinal na desisyon, pero ang saya siguro kung maipapatupad sa buong bansa ang mga proyektong pinapatupad ngayon sa Taguig City, kung saan ‘congressional representative’ si

Rep. Alan.

Katulad na lamang ng door-to-door na paghahatid ng gamot ng mga senior citizen at iba pang residente, ang pagkakaroon ng P700 million scholarship fund taon-taon, libreng uniporme, sapatos, bag, notebook pati na raincoats ng mga estudyante, center for the elderly na kumpleto sa amenities at may dialysis machines pa;

Mabilis na responde sa panahon ng pangangailangan at iba pang mga magagandang proyekto na tinatamasa ngayon ng mga residente ng lungsod.

Kaya ang hamon natin sa mga nagbabalak kumandidato lalo na sa pagka-pangulo at panglawang pangulo, por dios por santo lumantad na kayo, now na, please!

Huwag na ninyong “bitinin” ang sambayanang Filipino sa mga plano nyo para sa aming lahat. Nasa gitna tayo ng matinding krisis dahil sa pandemya kaya naman puwede ba, ilahad na ninyo ang mga gusto ninyong gawin para sa kapakanan ng ating bayan.

Abangan!

AUTHOR PROFILE