Ang face shield bow!

June 17, 2021 Marlon Purification 144 views

Marlon PurificationMATAPOS ng pag-alma ng marami sa patuloy na pagmamandato ng paggamit ng face shield, tutugon na ang Malakanyang at ipag-uutos ang pagtigil sa pagpapagamit nito.

Mismong si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang nagkwento na sa kanilang pulong kay Pangulong Rodrigo Duterte nitong Miyerkules ay hindi na sila pinagsuot pa ng face shield.

“Last night, the President agreed that face shields should only be used in hospitals,” pahayag ni Sotto sa kanyang tweet.

Una rito, pinagbigyang linaw din ni Sotto sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole kina Health Secretary Francisco Duque III at DILG Secretary Eduardo Ano ang polisiya sa paggamit ng face shields.

“Meron pong scientific basis po ito. Ito pong pag-aaral sa India, at dito po sa Pilipinas…Kapag malaki-laki na ang coverage ng bakuna, baka pwede na po nating pag-aralan ang iminumungkahi ng ibang grupo na huwag na gumamit ng face shield pero sa ngayon po kami ay nakikiusap na ipagpatuloy natin dahil ito ay dagdag proteksyon,” diin ni Duque.

Sumagot naman si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na “Ngayon pa lang pag-aralan nyo na, huwag nyo na antayin bumuti-buti ang sitwasyon. Submit to us the countries that mandate the face shields.”

“Kung hindi naman sumunod wala namang penalty,” diin ni Duque.

Sa panig naman ni DILG Secretary Eduardo Ano, ipinaliwanag na ang kanilang minamandato ay ang paggamit ng face mask habang ang face shield ay kinakailangan sa mga public transportation, mall at iba pang private establishment.

“Walking outdoors, face shield is not required,” diin ni Ano.

Pero sa kabila ng mga pahayag na ito ng dalawang kalihim, marami pa rin ang nanghuhuli ng mga indibidwal na hindi gumagamit ng face shield at pinagmumulta ang mga ito tulad sa hindi pagsusuot ng face mask.

Isa lamang ito sa mga polisiyang sa totoo lang ay gulong-gulo ang taumbayan.

Sa panahon ngayon ng krisis, ang kailangang makita ng publiko ay ang malinaw na mga regulasyon upang makita na mismong ang mga opisyal ng gobyerno ay nagkakaisa at hindi yung sila mismo ang nagkakagulo.

Umaasa tayo na sa lalong madaling panahon ay mismong si Pangulong Duterte na ang maglalabas ng malinaw na kautusan hinggil sa paggamit ng face shield.