Posas

PINAGPAPALO NG PALA, DEDO

January 3, 2024 Jojo C. Magsombol 126 views

Sa unang araw ng 2024

DEDO ang isang lalaki at sugatan ang kasama nito matapos paluin ng pala ng ilang beses sa Bgy. San Jose, Antipolo City, Rizal, noong Lunes.

Ayon sa pulisya ng Antipolo City, ang nasawi ay nakilalang si Silas Malasarte, habang sugatan naman ang kasama niyang si Armando Gachalian.

Ang mga suspek na naaresto kaagad ay nakilalang sina alyas Joseph, 39-anyos, may live-in partner at naninirahan sa Sitio Calumpang, Antipolo City, at si alyas Juanito na may asawa.

Ang mga suspek ay kapuwa construction workers at naninirahan sa C. Lawis Extension sa Bgy. San Isidro sa nasabing siyudad.

Dakong alas-7:25 ng umaga, isang tawag sa telepono mula sa Rizal Provincial Hospital System Annex 3, Sitio Cabading, Bgy. Inarawan, Antipolo City, ang tinanggap ng Antipolo City Information Command Center hinggil sa insidente.

Ayon sa pagsisiyasat, ang mga biktima ay nagtungo sa isang party sa Sitio Calumpang, Bgy. San Jose, Antipolo City, bandang 2:40 ng madaling araw ng Enero 1 para sa pagdiriwang ng Bagong Taon nang dumating ang mga suspek at pinalo ni Joseph ng pala si Gachalian sa mukha.

Umawat si Malasarte subalit sinuntok siya ni Juanito na naging sanhi ng paghampas ng kanyang ulo sa bakod.

Pagkatapos ay pinalo pa rin ng pala si Malasarte ng ilang beses ng mga suspek na nakatakas.

Idineklarang dead on arrival ng attending physician na si Dr. Ma. Perpetua Racadio si Malasarte sa pagamutan.

Agad naaresto ang dalawang suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng mga kapulisan.

AUTHOR PROFILE