Default Thumbnail

Philippine Online Library

November 26, 2022 Marlon Purification 292 views

Marlon PurificationHABANG ipinagdiriwang ng bansa ang Library and Information Services Month ngayong buwan, isinusulong naman ni Senador Win Gatchalian ang paglikha sa isang Philippine Online Library
upang matiyak na nananatiling “pandemic-proof” ang mga aklat at iba pang learning materials.

Iminungkahi ni Gatchalian ang paglikha ng Philippine Online Library sa pamamagitan ng inihaing Senate Bill No. 477 o tinawag niyang Philippine Online Library Act.

Sa ilalim ng panukalang batas, gagawa ang Department of Education (DepEd) ng mga digital copies ng lahat ng textbooks at reference books na itinuturing nitong mahalaga para sa pampublikong edukasyon.

Titipunin ang mga aklat na ito sa Philippine Online Library na kapwa patatakbuhin ng DepEd at ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Papayagan din ng panukalang batas na gamitin ng DepEd ang dagdag na mga materyales mula sa National Library of the Philippines na kumakatawan sa kultura at panitikang Pilipino.

Pinapahintulutan din ang DepEd na magdagdag ng mga materyales na sa tingin nito ay makapagpalawig sa kaalaman ng mga mag-aaral.

Inalala ni Gatchalian na noong magpatupad ng distance learning dahil sa pandemya ng COVID-19, karamihan sa mga mag-aaral ay gumamit ng printed modules. Noong 2021, lumabas sa isang
survey na kinomisyon ng World Bank sa mga low-income households na mahigit siyamnapu’t limang (95.5) porsyento ang gumamit ng mga printed modules bagama’t meron namang mga digital learning materials at platforms tulad ng DepEd Commons.

Dagdag pa ng chairman ng Senate Committee on Basic Education, mahalaga ang magiging papel ng mga digital education tools upang maiwasan ang learning loss o pag-urong ng kaalaman dahil
sa mga pagkaantala ng pasok.

Sa pamamagitan din ng mga pandemic-proof na mga aklatan, magkakaroon ang mga mag-aaral ng mas malawak na access sa mga textbooks at materials.

“Sa Philippine Online Library, matitiyak natin na magkakaroon ang mga mag-aaral at mga guro ng access sa mas maraming mga aklat. Sa ganitong paraan, matitiyak natin na magpapatuloy ang edukasyon makaranas man tayo ng kalamidad o mga sakuna,” ani Gatchalian.