Default Thumbnail

‘PETITION LETTER’ KUMAKALAT

June 16, 2023 People's Tonight 202 views

Ukol sa Taguig-Makati territorial row

MERON umanong kumakalat na petition letter sa Makati para makialam ang Kongreso sa Taguig-Makati territorial dispute, pero ilang Embo residents ang humingi rin umano ng agarang paglilipat na sa Taguig.

Isang petition letter ang kumakalat umano ngayon sa Enlisted Men Barrio (Embo) Barangay sa Makati City, kung saan hinihimok ang mga residente na lumagda sa isang petisyon na naghihikayat na iakyat ang usapin ng Makati-Taguig territorial dispute sa Kongreso.

Nakapaloob sa isang pahinang petition letter na may kapangyarihan umano ang Kongreso na magtakda ng referendum o people’s initiative sa ilalim ng 1987 Constitution. Layunin ng petisyon na mangalap ng sapat na pirma para pakinggan ang petisyon ng mga mambabatas.

Walang nakalagay na pangalan kung sino ang namuno sa ipinakakalat na petisyon, maliban lamang sa “Mamamayan ng Makati”.

Nakasaad pa dito na ang paghingi ng pagsaklolo sa Kongreso ng mga residente ay magiging “last recourse” matapos na magpalabas ng pinal na desisyon ang Korte Suprema na nagtatakda na ang 10 Embo barangays, kabilang ang Bonifacio Global City (BGC), ay nasa hurisdiksyon ng Taguig City.

“Dumating sa aming buhay na sa utos ng Korte Suprema na sinasabing ang EMBO ay sakop ng Taguig na labis na nagdulot sa aming ng kalituhan at kulungkutan; KUNG KAYA’T sa pamamagitan nito ay magalang na hinihiling ang pagkakaroon ng REFEREDUM batay sa PEOPLES INITIATIVE CLAUSE ng 1987 CONSTITUTION,” nakasaad sa petisyon.

Ang lumabas na signature drive ay kabaligtaran sa sentimiyento at sa natanggap ng mga ilang opisyales ng pamahalaang lungsod ng Taguig na liham mula sa mga residente ng Makati na umano’y humihiling na bilisan ng lungsod ang gagawing transition.

Tumanggi ang mga opisyales ng Taguig na isapubliko ang pangalan ng grupo ng mga residente sa Makati para na rin sa kanilang proteksyon.

Ang 30-taong territorial dispute ng Makati at Taguig ay nadesisyunan na ng Korte Suprema. Iniutos nito na ang BGC at Embo barangays ay sakop ng Taguig at inutos din nito ang agarang implementasyon ng kautusan.

AUTHOR PROFILE