Kulong

Binata arestado sa panghahalay, pambubugaw sa 16-anyos na dalaga

June 16, 2023 Edd Reyes 138 views

NAGWAKAS ang kalbaryo ng 16-anyos na dalagita sa kamay ng lalaking paulit-ulit na gumahasa sa kaniya at ibinugaw pa sa ilang kalalakihan, matapos madakip ng pulisya ang suspek Biyernes ng madaling araw sa Caloocan City.

Nabisto lamang ang kahayupang ginagawa ng 22-anyos na suspek nang magkaroon ng pagkakataon ang dalagita na magsumbong sa kaniyang ina na kaagad namang humingi ng tulong sa pulisya.

Walang inaksayang panahon ang mga tauhan ng Women and Children’s Protection Desk ng North Extension Office ng Caloocan Police nang makarating sa kanila ang sumbong na dahilan ng pagkakadakip ng suspek Biyernes ng madaling araw.

Sa nakarating na ulat kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, nagpasiyang humiwalay sa poder ng kaniyang mga magulang ang dalagita at nanirahan sa bahay ng suspek na lingid sa kaniyang kaalaman ay simula na pala ng kaniyang matinding kalbaryo.

Inilahad ng ina ng biktima sa pulisya na matapos ang paulit-ulit na panghahalay ng suspek, ibinugaw pa ang kaniyang anak sa iba’t-ibang lalaki upang pagkakitaan ng salapi.

Hindi umano makapagsumbong ang dalagita sa takot na totohanin ng suspek ang banta sa kaniya na tataniman ng droga at ipahuhuli sa mga ka-tropa niyang pulis sa oras na magsumbong sa kaniyang pamilya.

Todo-tanggi naman ang suspek sa bintang at sinabing magkasintahan umano sila ng dalagita na kaniyang nakilala sa social media, hanggang magsama umano sila sa iisang bubong,

Iginiit pa ng suspek na gawa-gawa lamang ang mga ibinibintang sa kaniya na mariin namang itinanggi ng biktima.

Patong-patong na kaso ang inihahanda na ng pulisya laban sa suspek, kabilang na ang paglabag sa Republic Act (RA) 9202 o ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, habang hihintayin pa ang resulta ng medico-legal examination para sa kasong panggagahasa at paglabag sa RA 7610, o Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act, sa Caloocan City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE