Default Thumbnail

DALAGA SINAKAL, NILIBING NG SELOSONG BF

June 16, 2023 Edd Reyes 392 views

SELOS ang idinahilan ng 21-anyos na lalaki sa ginawang pagpatay sa kaniyang kasintahan at paglilibing sa mababaw na hukay sa bakanteng lote ng isang subdivision sa Caloocan City.

Huwebes ng gabi dakong alas-11:30 ng mahukay ng pulisya ang bangkay ng 21-anyos na dalagang itinago sa alyas “Gemma” sa bakanteng lote sa Cattleya St., Queensville Subdivision, Barangay 171, Bagumbong, North Caloocan, makaraang ituro mismo ng suspek na si Jeffrey Montales matapos aminin ang ginawang pagpatay.

Batay sa ipinadalang ulat ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta kay Northern Police District Director Ponce Rogelio “Pojie” Penones Jr., natuklasan lamang ang bangkay ng dalaga nang magtungo ang pamilya ng biktima sa Talipapa Police Station sa Quezon City dakong alas-10:30 ng umaga ng Huwebes upang i-report ang pagkawala ng kanilang anak mula pa noong araw ng Linggo.

Matapos sabihin ng magulang ng bikima sa pulisya na nabuksan nila ang social media account ni Gemma na nagsasaad na makikipagkita sa suspek sa bahay nito sa Caloocan, pinayuhan sila ng pulisya na makipag-ugnayan sa barangay doon upang matunton ang bahay ng lalaki.

Pagsapit nila sa bahay ng suspek sa Saranay Homes, Bagumbong, wala na roon ang biktima kaya’t nagpasiya ang barangay na isama ang suspek at kapatid na babae, pati magulang ng biktima, sa Talipapa Police Station at doon na sinabi ng babae na inamin sa kaniya ng kapatid na napatay nito ang kasintahan.

Dito na nakipag-ugnayan ang Quezon City police kay P/Maj. Jose Hizon, hepe ng Caloocan Police Sub-Station 9, hanggang mahukay sa mababaw na libingan ang biktima matapos ituro ng suspek ang eksaktong lugar.

Sinabi ng suspek sa pulisya na noong Linggo pa niya napatay sa sakal ang kasintahan at inilibing niya kinabukasan upang itago ang bangkay.

Ayon naman kay Hizon, lumabas sa kanilang imbestigasyon na nais ng makipag-hiwalay ng dalaga sa kaniyang kasintahan matapos ang isang taon at dalawang buwang relasyon, dahil na rin sa madalas nilang pagbabangayan sanhi ng matinding paninibugho ng lalaki.

Inamin ng suspek na sa kalagitnaan ng mainit nilang pagtatalo, naitulak at nasakal niya ang kasintahan na dahilan ng pagkamatay nito.

Ayon kay Lacuesta, inihahanda na ng mga imbestigador ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kasong murder laban sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE