Pekeng DOLE staff tiklo sa ‘extortion’
ARESTADO ang isang lalaki na nagpapakilalang empleyado ng Department of Labor and Employment (DOLE) matapos umanong manghingi ng pera sa may-ari ng isang security agency kapalit ng pag-atras sa kasong isinampa ng security guard nito laban sa kaniya sa Quezon City, Lunes ng hapon.
Ang biktima ay isang negosyante, tubong Lanao Del Sur at may tanggapan ng security agency sa E. Rodriguez Sr., Avenue, Barangay Immaculate Conception, Quezon City.
Arestado naman ang 58-anyos na suspek.
Sa report ng Kamuning Police Station (PS 10) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 1:00 ng hapon (Enero 9), nang maganap ang insidente sa mismong opisina ng biktima sa nasabing lugar.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSgt. Remie Villareal ng PS 10, abala umano sa meeting ang negosyante nang tawagan siya ng kaniyang operations manager at sinabing may bisita siyang isang nagpakilalang personnel ng DOLE.
Nang harapin ng biktima ang suspek ay nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo ng hingan ang negosyante ng P50,000 para ayusin umano ang inihaing kaso sa DOLE ng security guards laban sa kaniyang security agency.
Dahil dito ay inutusan ng biktima ang kaniyang operations manager na magsumbong sa mga opsiyal ng Bgy. Immaculate Conception, at inaresto ang suspek ng mga tanod na sina Nathaniel Garci at Benedict Estabillo.
Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kaniya.