Default Thumbnail

PCG vessel ‘tinaboy’ muli ng Chinese Coast Guard sa Ayungin Shoal

February 24, 2023 Zaida I. Delos Reyes 282 views

TINANGKA umanong itaboy ng Chinese Coast Guard (CCG) ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagsasagawa ng maritime domain awareness (MDA) flight sa Ayungin Shoal nitong Martes.

Sa inilabas na video ng PCG, maririnig ang isang radio challenge mula sa China kung saan pinapaalis nito ang barko ng PCG sa lugar na nasa “exclusive economic zone” (EEZ) ng bansa.

Maririnig sa radio challenge na pinapaalis umano nila ang barko ng PCG dahil ang lugar umano ay “sakop” nila.

Ang radio challenge ay natanggap ng PCG habang nagsasagawa ng MDA flight sa lugar kung saan namataan din umano nila ang CCG may isang milya ang layo mula sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Bagamat nakatanggap ng radio challenge ay tiniyak ng PCG na magpapatuloy sila sa ginagawang pagpapatrolya sa lugar.

Ayon sa ulat, habang isinasagawa ang MDA flight ay namataan ng PCG ang may 30 hinihinalang Chinese maritime militia vessels at isang CCG vessel sa Ayungin Shoal at Sabina Shoal.

Nauna nang sinabi ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) na pinalipad ng PCG ang Cessna Caravan 2081 upang obserbahan ang lugar at magsagawa na rin ng radio challenge laban sa mga barko ng CCG.

Ang eroplano ng PCG ay nakarating sa ten nautical miles off Ayungin Shoal at naglabas din ng radio challenge sa CCG 5304 vessel upang lisanin nito ang lugar.

Gayunman, naglabas ng pahayag ng Chinese vessel ng hindi malinaw na radio challenge at nanatili umano sa bisinidad ng Ayungin Shoal.

Ang insidente ay naganap sa kasagsagan ng protestang inihain ng Pilipinas kaugnay ng panunutok ng “military-grade” laser ng Chinese ship sa isang PCG vessel malapit sa Ayungin o Second Thomas Shoal.