Default Thumbnail

Mayor Honey, VM Yul Servo, nanguna sa inagurasyon ng bagong gusali ng BSP

February 24, 2023 Edd Reyes 210 views

PINANGUNAHAN nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto ang inagurasyon ng bagong punong taggapan ng Boy Scouts of the Philippines (BSP) sa Quiapo, Maynila.

Kasama ng dalawang pinakamataas na opisyal ng kabisera ng bansa ang Council Chairman ng BSP na si Rodel Sampang sa pagpapasinaya sa apat na palapag na gusali ng Manila Council Scouting Center ng Boys Scouts of the Philippines nito lamang Miyerkules ng hapon.

Nagpahayag din ng paniniwala ang alkalde na sa pagbubukas ng bagong tahanan ng BSP, marami pang mga kabataang Manilenyo ang maaakit na sumapi bilang mga boy scouts.

“Ngayong may sarili na kayong bahay at lugar, natitiyak kong lalo pang magiging masigasig at aktibo ang BSP Manila sa paghihikayat sa marami pang kabataang Manilenyo na sumali sa scouting,” pahayag ng alkalde.

Binigyang pagkilala rin ni Mayor Lacuna-Pangan ang masigasig na paghahangad ng konseho ng BSP na hasain ang mga susunod pang henerasyon ng mga boys scouts, hindi lamang sa Lungsod ng Maynila kundi sa buong bansa.

“Ang Boy Scout bilang isang matibay na katuwang ng mgapangunahing institusyon ng lipunan tulad ng pamilya at paaralan, ay tunay namang nakakatulong sa paghuhubog ng pagkatao, pagpapalakas ng kakayahan, paglinang ng talento, paggabay sa ating mga kabataan na sila ay maging tunay na kapaki-pakinabang at responsableng mamamayan,” ayon pa sa alkalde.

Ang bagong gusali ng BSP ay may sariling board room, control room, toilet, main office, chairman’s office, scout executive’s office, finance office, pantry, open deck, training hall, at multi-purpose hall.

“Hangad ng inyong pamahalaang lungsod ang tagumpay ng lahat ng inyong pinaplano. Rest assured na ang inyong pamahalaan ay nakasuporta sa inyo 100%,” dagdag pa ni Mayor Lacuna-Pangan.

Bilang tugon, pinasalamatan naman ni Sampang ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa masidhing pagsuporta sa komunidad ng scouting sa kaila ng kinakaharap na panganib ng pandemyang dulot ng COVID-19.

“Rest assured that the Manila Council will never stop in preparing our scout, mga Batang Maynila, as agents of change in the communities guided by their scouters and the law,” sabi pa ni Sampang.

Nangako rin siya na ang mga susunod na henerasyon ng mga Boy Scouts ay makakabuo ng magandang asal at maging isang responsableng mamamayan, hindi lamang sa Maynila kundi sa buong bansa, at may kakayahang maging lider na hindi umaasa sa iba at may kakayahang tumupad sa mga tungkulin.

AUTHOR PROFILE