Dizon Si MPD Director Andre P. Dizon habang nagbibigay ng mensahe ng pasasalamat sa mamamayan kaugnay sa pagtulong sa kapulisan kontra kriminalidad sa Lungsod ng Maynila. Kuha ni Jon-jon Reyes

‘Gunrunner’ kalaboso sa Sta. Cruz entrapment ops

February 24, 2023 Jonjon Reyes 686 views

NALAMBAT sa isang entrapment operation ang umano’y “gunrunner” ng mga matataas na kalibre ng baril sa Sta. Cruz, Maynila, Miyerkules ng hapon.

Sa pinagsanib na mga operatiba ng Regional Special Operation Group ng ng National Capital Region Police Office (RSOG-NCRPO) at Manila Police District (MPD) ay nahuli ang 54-anyos na suspek sa Tayuman at Dapdap Streets sa Sta. Cruz.

Ang suspek ay isa umanong printer operator at residente ng nasabing lugar.

Batay sa ulat ni P/Lieutenant Col. Welfredo Sy, chief ng RSOG-NCRPO, bandang 2:20 p.m., nang nakipag-ugnayan sa pamunuan ng Alvares PCP MPD Station 3 makaraang makatangap ng tawag mula sa impormante tungkol sa nagaganap na ilegal na bentahan ng mga hindi lisensiyadong baril.

Matapos ang intel buildup ay dito na inilatag ang nasabing operasyon at positibong nakipagtransaksyon ang suspek sa mga nagpanggap na mga operatiba.

Narekober ang isang Entratec 9mm, submachine gun, dalawang magazine ng 9mm, magazine clip, suppressor, isang Samsung Galaxy A-12, at ang markadong salapi.

Ayon sa intelligence report ng NCRPO, posibleng gamitin ang armas ng mga sindikat kaya agad itong inaksyunan.

“Hindi ito ordinaryong baril dahil submachine gun ito at may suppressor pa,” ayon kay Sy.

Gayunman, aminado naman ang suspek na mali at labag sa batas ang ginawa nito, pero kinailangan niya raw itong gawin dahil “gipit” umano sa pera at kailangan ang panggastos diumano sa pagpapa-ospital ng kaniyang ina.

Dahil dito, ang suspek ay iniharap ni PSSgt. Joseph Vistan, may hawak ng kaso, sa inquest sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.

Agad pinuri ni “The Game Changer General” MPD Director P/Brigadier Gen. Andre P. Dizon sa mga operatiba ng RSOG at MPD sa ginawang pag-resto maging sa concerned citizens na nagbigay tulong sa kapulisan.

Ayon sa MPD director, tuloy-tuloy pa rin ang kampanya kontra krimen, pag-igting ng checkpoints, patrol operations sa buong lungsod, araw at gabi.

AUTHOR PROFILE