PBBM inilatag sa ASEAN sentimiyento sa West Philippine Sea, Myanmar
BITBIT ni Pangulong Marcos Jr. ang saloobin ng mga pinoy hinggil sa West Philippine Sea sa katatapos lamang na 40th at 41st Asean Summit sa Cambodia.
Sa unang araw pa lang ng pagpupulong ng sampung member states ng Asean, ipinarinig agad ni PBBM ang sentimyento ng mga Pilipino hinggil sa naturang teritoryo.
Agad ibinungad ng Pangulo na dapat galangin ang United Nations Convention on the Law of the Seas o UNCLOS at ang arbitral ruling noong 2016 na sinasabing Pilipinas ang nagmaymay-ari ng mga isla sa West Philippine Sea.
Muli itong binanggit ni PBBM sa harap mismo ng premiere ng China, na si Li Keqiang, na hinikayat naman ng huli , ang Asean members na kaagad na gumawa ng “code of conduct” hinggil sa naturang isyu.
Kataka-taka na tila biglang pumayag naman ang China na magsagawa ang Asean ng isang pamantayan para sa South China Sea o West Philippine Sea.
Hindi rin pinalagpas ng Vietnam, Thailand, Singapore, Malaysia, at Indonesia ang isyu at pinaalala ang malayang paglalayag ng anumang bansa sa nasabing karagatan.
Mahigpit na kasing ipinagbabawal ng China amg pagdaan sa South China Sea na walang paalam sa kanila na pinapalagan hindi lang mg Pilipinas at Asean kundi ng Amerika din at mga kaalyado nito.
Walang kakurap-kurap din na sinabi ni PBBM sa Asean Summit na dapat ay kumilos na ang grupo laban sa Myanmar.
Matatandaan na noong 2021 nagkudeta ang militar sa Myanmar kasabay ang pag-aresto kay Ang San Suu Kyi at iba pang political leaders ng nasabing bansa.
Kinondena ng grupo ang Myanmar dahil dinedma ng ng mga military leaders doon ang 5 -point consensus na nilatag ng Asean noong nakaraang taon tungo sa muling pagbabalik ng bansa bilang isang democratic state.
Hindi na pina-attend ng Asean leaders ang Myanmar sa katatapos lang na summit bilang parusa sa pagdedma sa utos ng grupo.
Subalit binigyan pa rin ng isang pagkakataon pa ng Asean ang ka-miyembro na Myanmar hinggil sa pagsunod sa ilang alituntunin tulad ng pagpapalaya sa mga political prisoners, isang agarang malinis at malayang halalan, at iba pa.
Bagamat hindi pa alam ang susunod na hakbang ng asean sa myanmar kung patuloy na susuwayin nito ang kagustuhan ng grupo, usap-usapan na baka itiwalag na ito sa Asean membership.
Ito ang unang pagkakataon na dumalo ang Pangulo sa Asean Summit bilang lider ng Pilipinas.