Default Thumbnail

PBBM ibabalik tiwala ng taumbayan sa gobyerno

June 19, 2022 People's Tonight 254 views

Vic ReyesSA Pilipinas, bilang isang agrikulturang bansa, nararapat lamang na paunlarin ng gobyerno ang buhay ng mga magsasaka, mangingisda at ang kani-kanilang mga mahal sa buhay.

Sila ang bumubuo ng “bulk of the population” sa ating bansa na kilalang mayaman sa natural resources pero naghihirap ang mga Pilipino dahil sa ibat-ibang kadahilanan.

Nandiyan ang malawakang katiwalian at korapsyon sa mga opisina at ahensya ng gobyerno.

Sa kabila ng katotohanang mahalaga ang agrikultura sa atin, hindi ito nabibigyan ng tamang atensyon kaya nga nag-aalburoto ang mga magsasaka at mangingisda.

Halos wala na silang maipakain sa kanilang mga mahal sa buhay dahil sa pagdagsa ng mga murang puslit na gulay, isda at iba pang agricultural products.

Kaya naman marami ang nagpapasalamat sa pamunuan ng Bureau of Customs (BOC) dahil sa kanilang patuloy na kampanya laban sa tinatawag na agricultural smuggling.

Kamakailan nga ay nakasakote ang mga taga-BOC-Manila International Container Port (MICP) ng mga puslit na carrots na nagkakahalaga ng mahigit na P4 milyon.

Pinangunahan ng mga taga-Intelligence Group (IG) at MICP ang operasyon.

Ang mga carrot, na nakalagay sa dalawang 40-foot container vans ay nakita nang idaan ang shipment sa physical examination noong Hunyo 14 sa MICP designated examination area (DEA).

Ang dalawang container vans ay deklaradong naglalaman ng steamed buns pero carrots pala ang laman.

Nauna ng nag-isyu ang district collector ng MICP ng alert order laban sa nasabing kargamento sa rekomendasyon naman ng CIIS-MICP field station.

Congratulations sa mga kaibigan natin diyan sa BOC-MICP for a job well done.

***

Sa pagsisimula ng administrasyong Marcos sa Huwebes, Hunyo 30, ay nakikita ng maraming port users na titino ang mga mandurugas diyan sa aduana.

Siyempre ayaw nilang sila ang maunang masampolan ni Pangulong Marcos sa ilulunsad niyang kampanya laban sa mga kalokohan diyan sa snake-infested waterfront.

Hindi papayag ang papasok na gobyerno na manatili pa sa aduana ang mga natitira pang bugok na taga-BOC kasama ang kanilang mga kasabwat na importer at broker.

Kaya nga natatagalang mamili si BBM ng papalit kay BOC chief Rey Leonardo Guerrero dahil gusto niyang makasiguro na karapat-dapat sa puwesto ang pipiliin niya.

Hindi lang si Pangulong Marcos at Finance Secretary Benjamin Diokno ang magbabantay sa mga kilos at gagawin ng bagong komisyuner ng graft-prone na ahensya.

Siyempre, nakabantay din ang buong bansa, kasama na ang mga port user, dahil mahalaga ang papel ng BOC sa economic recovery efforts ng gobyerno.

Kailangang matakpan lahat ang revenue leakages sa aduana para walang mapuntang pera sa mga malalalim na bulsa ng mga “salamangkero” sa pier.

Ang problema lang ay mukhang na-perfect na ng mga mandurugas ang “art of cheating the government.”

Kayang-kaya nilang gawing pipi at bulag ang mga ganid na kawani ng ahensiya. Sino nga naman ang hindi matutukso kapag paldo-paldong pera na ang inihahatag sa kanila.

Tsk tsk tsk.

****

Isa tayo sa naniniwalang matitino at mahuhusay ang mga itinatalagang hepe ng iba’t-ibang government departments at offices.

Ang dapat bantayan ni Pangulong Marcos ay ang mga nakapaligid sa mga opisyal na ito.

Kadalasan kasi ay ang mga alipores ang gumagawa ng mga katarantaduhan kapag nakatalikod na ang hepe.

Kaya ang dapat namang gawin ng mga nakakakita ng mga kalokohan ng mga alipures ay kaagad na iparating sa Malakanyang ang mga ito para magawan ng paraan.

Huwag natin kunsintihin ang mga iligal na gawain ng mga lingkod-bayan na ito.

Ang gusto ni Pangulong Marcos ay bumalik ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno.

Malaki ang maitutulong ng taumbayan, kasama na ang mga ordinaryong mamamayan, para magtagumpay ang nag-iisang anak na lalaki ni yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos at dating First Lady Imelda R. Marcos.

Tama ba kami, Senador Imee Marcos?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang anag buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE