Default Thumbnail

PASAHERO Party List suportado suspensyon sa fuel excise tax

November 12, 2021 Ryan Ponce Pacpaco 282 views

MALAKING tulong sa publiko ang pagsuspinde sa fuel excise tax, lalo na’t di pa rin nakababangon sa pandemya ang Pilipinas.

Ito ang tahasang pahayag ngayon ng PASAHERO Partylist, kaugnay ng kanilang pakikiisa sa malakas na panawagang suspendihin ng gobyerno ang pagpapatupad ng excise tax sa mga produktong petrolyo.

Ayon kay Atty. Homer Alinsug, tagapagsalita ng PASAHERO, ang suspensyon sa fuel excise tax ay napakalaking tulong hindi lang sa mga motorista kundi para sa lahat.

Nagbabala si Alinsug sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo, na kung hindi umano maaampat ay maaaring magpahirap nang husto sa tao, kasabay pa ng katulad ding suliranin sa agriculture at industrial sectors.

“Sumasabay din ang pagtaas ng presyo ng mahahalagang bilihin sa taas presyo ng krudo. Kung hindi magagawan ng paraan ang mga problemang ito, kawawa ang mga pamilyang Pilipino na nagdurusa na nga sa epekto ng COVID-19 sa kabuhayan nila, papatungan pa ng ibang problema,” ani Alinsug.

Sa kanyang paliwanag, sinabi ni Alinsug na magiging posible ang suspensyon ng fuel excise tax kung aamendahan ang Sec. 43 ng RA 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law. Ito kasi, aniya, ang batas na nagpataas sa excise tax ng mga produktong petrolyo sa pamamagitan ng three tranches sa pagitan ng mga taong 2018 hanggang 2020.

Iniaatas ng naturang batas (Sec. 43), ang pagpapatupad ng suspensyon sa pagitan ng mga taong 2018 hanggang 2020 kung lalagpas sa $80 per barrel ang presyo ng krudo sa loob ng tatlong buwan.

Ani Alinsug, maaari namang amendahan ang probisyong ito at gawin sa pagitan ng mga taong 2018 hanggang 2028 kung lalagpas na sa trigger amount ang presyo ng mga produktong petrolyo. Mahaba-habang panahon ito, ayon kay Alinsug, upang makabawi at makapaghanda ang mamamayan mula sa epekto ng pandemya.

Nilinaw niya, gayunman, na ang suspensyon ay mananatiling limitado lang nang hanggang tatlong buwan.

“Kailangang manatili sa tatlong buwan ang suspensyon para naman hindi malugi nang husto ang gobyerno. Kasi, may mga pinopondohan ding importanteng programa at proyekto ang pamahalaan tulad ng COVID-19 response na puwedeng maapektuhan kung sadsad din ang kanilang pondo,” pagliliwanag pa ni Alinsug.

Ang PASAHERO (Passengers and Riders Organizations, Inc) ay isang party-list group na kumakatawan sa Filipino commuters and passengers at deklarado ng Comelec na maaaring kumandidato sa May 2022 national elections.

AUTHOR PROFILE