Default Thumbnail

Para ano ang barangay health centers?

February 17, 2022 People's Tonight 2814 views

TulfoMARAMI ang nagtatanong kung ano nga ba talaga ang silbi ng mga barangay health centers?

Ayon kasi sa batas ang mga barangay health centers (BHS) ay magsisilbing first aid center, consultation area, at botika ng mga tao sa isang barangay .

Pero ilang reklamo na ang aming natatanggap na halos lahat daw ng barangay health centers ay walang gamit tulad ng simpleng higaan para sa pasyente na magpapakonsulta, at mga ordinaryong gamot para sa lagnat, ubo, sipon at pagtatae.

Bagamat may mga health workers tulad ng mga doktor o nars ngunit kulang sa gamot at gamit ang halos mga bhs.

Maging si DILG Usec for Barangay Affairs Martin Dino aminado ang problema ng mga health centers sa mga barangay.

Dapat daw kasi ay may regular na supply ito ng mga gamot kahit para sa mga simpleng sakit at maintenance para sa diabetes at high blood pressure.

Ani Usec. Dino sa isang radio interview, “Dapat kasi ang Department of Health (DOH) at local government units (LGU) ang nagbibigay mga gamot sa mga health centers na ito.

Ngunit ang nakakalungkot may pondo ang DOH para pambili ng mga gamot ng mga LGU para sa kanilang mga barangays ngunit hindi nakakarating sa mga bhc.

In fairness sa DOH, nagbibigay naman ito ng pondo para sa gamot na request ng ilang LGU.

Pero ang masaklap hindi umaabot sa barangay ang mga gamot na ito sa hindi malamang dahilan.

Kaya sa halip na sa health center pupunta ang tao para humingi ng gamot, sa mga sari-sari store na lang sila tutungo para bumili ng paracetamol.

Ilang administrasyon na ang lumipas pero hindi pa rin nareresolba ang problemang ito.

Sana ang susunod na lider ng bansa ay resolbahin ang kawalan ng gamot sa mga BHS nationwide.

Ano pa kasi ang saysay ng health center kung wala itong mga gamit at gamot?. Ni ERWIN TULFO

AUTHOR PROFILE