Default Thumbnail

Panawagan sa Meycauayan PNP at Bgy. Chairman Harold Anonuevo

October 10, 2022 Marlon Purification 938 views

Marlon PurificationUNA, wala tayong planong siraan ang buong hanay ng Meycauayan police station, gayundin sa pamunuan ni Chairman Harold Anonuevo ng Bgy. Perez.

Gusto lang natin tawagan ang kanilang pansin dahil sa dumating na sumbong sa atin na lumalala ang insidente ng nakawan at Akyat Bahay sa naturang barangay.

Huwag sanang isipin nina Lt. Col. Jordan Santiago, acting chief of police ng Meycauayan PNP, at ni Chairman Harold na sinisiraan natin sila.

Harinawa’y sa artikulong ito ay magkaroon sila ng mabilisang aksiyon at tugon.

Base sa natanggap nating sumbong, limang magkakaibang pamilya ang nabiktima ng Akyat Bahay Gang sa naturang barangay.

Partikular na paboritong pasadahan ng mga kawatan ay ang Las Villas de Sto. Nino Subdivision dahil limang bahay ang ninakawan kamakailan sa Phase 3D.

Ang pinakahuling report ay sa Phase 4 ng subdivision.

Karamihan sa mga residente sa Bgy. Perez ay wala nang ‘peace of mind’ sa takot na baka naman sila ang pasukin ng masasamang loob.

Reklamo ng mga residente ay hindi ganito dati karami ang insidente ng nakawan. Lalo na noong panahon ng panunungkulan ni dating Bgy. Captain Anthony Camacam

Kasi raw, ayon sa mga nagsusumbong, masipag at regular ang ginagawang pagro-ronda noon ng mga barangay tanod.

Dangan nga lang at binawian ng buhay kamakailan si Kap Anthony nang atakihin sa puso sa isang ‘family outing.’

Kahit noong kasagsagan ng pandemic ay wala silang maireklamo sa nasirang Kap Anthony dahil ‘hands on’ ang pamamahala nito para sa pagpapatupad ng health protocol.

Marahil, nanganganay pa ang kasalukuyang kapitan na si Kap Harold.

Naway ang column na ito ay magsilbing ‘challenge’ kay Kap Harold upang higit pang mapagbuti ang kanyang pamamahala.

Para kay Col. Santiago, sir, sana po ay dagdagan pa ninyo ang police visibility para maiwasan na ang mga ganitong uri ng nakawan.

Anuman sigurong problema sa ‘logistics’ ay maaari niyang ilapit kay Meycauayan Mayor Henry Villarica dahil alam kong tutulungan sila ng magiting na alkalde.

Sana’y maaksiyunan agad ganitong uri ng sumbong, mga bossing!