Default Thumbnail

Pamemeke sa photo ng BBM-Sara caravan, sumipa pabalik sa kampo ni Robredo!

November 22, 2021 Marlon Purification 343 views

Marlon PurificationSUMIPA pabalik sa kampo ni Vice-President Leni Robredo ang umano’y garapalang pangongopya na ginawa ng tagasuporta nito nang i-edit ang Unityride ng tambalang Bongbong Marcos at Sara Duterte sa buong Pilipinas nitong Linggo.

Partikular na nagngingitngit sa galit ang BBM-Sara supporters sa probinsiya ng Abra.

“Masyadong garapal ang ginagawa nilang pangongopya. Sa picture pa lang sa social media ay mandaraya na sila! No wonder, dinaya nila noong 2016 si Bongbong Marcos kaya kahit sa socmed ay sanay silang mandaya,” anang netizen.

Nabatid na milyun-milyong tagasuporta ng BBM-Sara Uniteam ang nagpakita ng lakas sa pamamagitan ng nationwide motorcade noong nakalipas na Linggo, Nobyembre 21, na tinaguriang ‘caravan para sa pagkakaisa, kapayapaan at pag-unlad.’

Inilunsad ito nang sabay-sabay sa mahigit 15 probinsiya at 30 lungsod sa Mindanao, Bicol, Calabarzon, Metro Manila hanggang Abra at Northern Luzon.

Nitong Linggo rin unang nagsama para sa unity ride ang tambalang Bongbong-Sara kung saan ay malinaw ang naging panawagan ng anak ng Pangulong Duterte na: “Protektahan natin ang ating kandidato, protektahan natin ating presidente at protektahan natin si BBM.”

Sina BBM at Sara ay nakiisa rin sa simbolikong caravan sa Tagum City, Davao del Norte habang nasa kasagsagan ng nationwide unity ride.

“Salamat sa inyong suporta at salamat sa inyong pagsama sa amin ni Sara sa pagbangong muli. Babangon tayong muli,” ani Bongbong.

Ilang oras bago maglabasan sa iba’t ibang social media platforms ang mga larawan ng milyong BBM-Sara supporters, isang larawan naman ang inilabas ng kampo ng Pinklawan.

Pinalitan nila ang larawan ng mga BBM-Sara supporters na nagtipun-tipon sa Don Mariano Marcos Bridge, tatlo sa pinakamahabang tulay sa bansa, na nasa Kalinga Road, Langalilang Abra.

Ang naturang larawan ay post ni Abra Rep. JB Bernos at ng Abranian Riders’ Alliance na pinamumunuan ni Joel Lingbaon.

Kuha ang larawan bago magtanghaling tapat kung saan ay kitang-kita ang pagdagsa ng libu-libong BBM-Sara supporters sa lalawigan.

Kaya sobrang laki ng pagkadismaya ng mga tagasuporta nina Marcos-Duterte dahil ang hindi mahulugang karayom na dami ng tao na puro nakasuot ng kulay pula ay ini-edit ng Leni camp at pinalitan ang kulay red ng pink.

Sa sobrang ‘trying hard’ ng pagkaka-edit at pamemeke, kahit mukha ng mga BBM-Sara supporters na nasa larawan ay may kulay pink.

“Ultimo kulay ng buhok, ginawang pink. Sumosobra sila. Mahiya naman sila sa mga balat nila,” sabi ng isa pang netizen.

Ang edited photo ng Leni camp ay naka-post sa ilang Facebook account na may #Laban Leni 2022, Ilocos.

Dahil dito, pinutakti ng batikos ang kampo ni Leni mula sa mga galit na galit na supporters ng BBM-Sara.

“Masyado na silang desperado. Palibhasa, hindi nila kayang magsama-sama nang totoo at maramihan. Puro sila hakot kaya pati mga picture namin ay pilit nilang pinapalitan. Pasimuno ng fake news ang kampo ng pekeng Bise-Presidente,” sabi pa ng isang netizens.

Kinagabihan ng Linggo, naglabas ng statement ang Robredo camp at itinangging sa kanila nanggaling ang nag-viral na pekeng photo.

Ilang minuto pa ang nakalipas, isang statement din ang lumabas sa Twitter sa ilalim ng Abra For Leni#DapatSiLeni, ngunit huli na ito dahil naipalabas na ang pekeng photo.

Sa ganang akin, walang maitutulong ang mga ganitong uri ng pamemeke dahil kahit kailan at kahit saan, lalabas din ang tunay na katotohanan.