Posas

Pala ibinaon sa leeg ng lalaki na DOA sa ospital

December 19, 2023 Melnie Ragasa-limena 171 views

NASAWI ang isang lalaki matapos tarakan ng pala sa leeg ng isang electrician nitong Lunes ng hapon sa Quezon City.

Idineklarang dead on arrival sa Quezon City General Hospital ang biktimang si Diosdado Lacson, 41, residente ng Barangay Alicia, Quezon City matapos magtamo ng sugat sa leeg.

Naaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek na si Joshua Amistroso, 24, ng nasabi ring barangay.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, nangyari ang insidente alas kuwatro ng hapon sa isang bahay sa Cotabato Interior corner Excess Road, Barangay Alicia.

Napag-alaman na nagkukumpuni umano ang biktima sa bahay ng tiyahin ng suspek.

Isang saksi umano ang nakarinig na sumisigaw ang biktima habang nagmamakaawa sa suspek.

Ayon sa saksi ay bumaba siya sa inaayos na comfort room at natagpuan ang duguang biktima.

Nakita din umano ng nasabing saksi ang suspek na naglalakad palabas ng bahay habang may bitbit na pala.

Nadakip ang suspek sa isang follow-up operation ng Project 6 police station.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong isasampa sa suspek.