PIA Boy Abunda kasama sina Sen. Allan Peter at Sen. Pia Cayetano

Pagmamahal sa pamilya, ipinakita nina Sen. Allan at Pia sa ‘CIA with BA’

August 23, 2023 Eugene E. Asis 222 views

SA pinakahuling episode ng ‘CIA with BA,’ sa pangunguna ng magkapatid na Senador Alan Peter at Pia Cayetano at award-winning TV host na si Boy Abunda, ipinakitang pagmamahal sa pamilya ang pinakamahalaga sa lahat.

Nitong Linggo, Agosto 20, hinarap ng mga Cayetano at ni Abunda ang dalawang magkaibang kaso kung saan sangkot ang magkaibang pamilya.

Una, isang Roel de Dios ang nagreklamo tungkol sa kanyang kapatid na si Victorino para sa karapatan sa lupa ng kanilang ama. Naging malala ang isyu dahil sa palitan ng mga salita at hindi pagkakaunawaan.

“‘Di ba minsan, iniisip natin ‘yung pamilya, indestructible, lalo kung very very close kayo ‘no? Pero makikita mo talaga na kung ano ‘yung itatanim mo, ‘yun ang aanihin mo so kahit na napakaganda ng mga tinanim nung pamilyang nakita natin… ‘pag nagsimula ‘yung isang intrigahan, isang problema—lalo kapag naghalo na sa in-laws—pwede talagang lumaki,” saad ni Senador Alan.

“Pero kung babalikan at babalikan mo ‘yung pagmamahalan niyo, ‘yung essence, magkakaroon talaga ng chance [of] reconciliation,” dagdag pa niya.

Isa pa sa kanilang hinarap ay ang pagdulog ni Cecilia na kinailangan ng payo tungkol sa kanyang lupa na iprinenda sa ospital para mailabas ang kanyang anak. Ang halagang kailangan niyang bayaran ay umaabot sa mahigit P200,000.00

“‘Yun lang naman din ang sasabihin ko—in both cases that we handled—it’s all about love for family. And tayo, what we can do to help families whether it’s from the.. ‘yung karapatan o balansehin lang ‘yung karapatan sa pagmamahal.. minsan kahit ikaw ang nasa tama, ikaw na lang ang magpakumbaba para magkaayos,” saad ni Senador Pia sa pagtatapos ng programa. “That’s our goal.

Hindi naman ‘yung kung sino ‘yung hahabla sa korte.. hindi ‘yon ang habol natin.”

Ang ‘CIA with BA’ ay pagpapatuloy ng nasimulang misyon ni Senador Rene Cayetano, ang yumaong ama ng magkapatid na senador. Si Senador Rene ang orihinal na abogadong nagbibigay ng legal advice sa telebisyon at siyang host ng sikat na programang ‘Compañero y Compañera’ noong 1997 hanggang 2001.

Napapanood ang ‘CIA with BA’ tuwing Linggo ng gabi, 11:30 sa GMA7.

AUTHOR PROFILE