Default Thumbnail

Paglapastangan sa Korte Suprema

November 25, 2023 Magi Gunigundo 167 views

Magi GunigundoANG look ng Maynila o Manila Bay, dahil sa kapabayaan at walang pagpapahalaga sa kalikasan ng mga Pilipino, ay pusaling dumi at polusyon ng tao sa NCR, Region 3 at 4A.

Dahil dito, ang tubig ng look ay hindi maaaring languyan dahil napakataas ng ecoli bacteria level nito. Galis, diarrhea at cholera ang sasapitin ng magtatampisaw dito. Ito ang nagbunsod sa ilang residente ng Manila Bay na ireklamo ang mga ahensiya ng pamahalaan na ayaw gampanan ang tungkulin na ipatupad ang batas upang luminis ang look.

Noong Disyembre 18, 2008, ang Korte Suprema ay nagbigay ng isang mahalagang desisyon na nagpalabas ng writ of mandamus laban sa MMDA, DENR, DEP ED, DA, DPWH,DBM, PHILIPPINE COAST GUARD (PCG), PNP- MARITIME GROUP, at DILG na linisin, isaayos at ipreserba ang Manila Bay at ibalik at panatilihin ang tubig nito sa antas ng SB (Class B sea waters, Water Classification Tables, DENR Administrative Order No. 34 [1990]) upang malanguyan muli ang look — ang ultimong layunin ng writ of mandamus.

Sapagkat mahabang panahon ang gugugulin bago mapababa ang ecoli bacteria level ng look, ang Korte Suprema, gamit ang “residual powers” nito sa ilalim ng Section 47 Rule 39 ng Rules of Court, ay naglabas ng Resolusyon noong 2011, upang likhain ang Manila Bay Advisory Committee na tumanggap at suriin ang mga ulat ng mga inutusang ahensya alinsunod sa writ of mandamus at upang masubaybayan ang bawat hakbang ng pagpapatupad.

Pinamunuan ito ni Kgg. Presbitero J. Velasco, Jr., ponente ng desisyon noong 2008 sa MMDA vs Concerned Residents ng Maynila, at Kgg Jose Midas P. Marquez, bilangVice-Chairperson. Mga Miyembro/Technical Experts naman sina Dr. Gil S. Jacinto, Dating Direktor, UP Marine Science Institute, Dr. Elisea G. Gozun Chair ng Earth Day Network at dating DENR Secretary, at Atty. Antonio G.M. LaViña, dating DENR Undersecretary at Dekano ng Ateneo School of Government.

Ang pagsusumite ng mga pana-panahong ulat ay pinahihintulutan ng Secs. 7 at 8, Rule 8 ng Mga Panuntunan ng Pamamaraan para sa mga kaso sa Kapaligiran. Seryoso ang Korte Suprema sa pagtiyak na makakamit ang sukdulang layunin na luminis ang tubig ng look.

Nakalista sa Resolusyon ng 2011 ng Korte Suprema ang mga tungkulin na dapat gampanan ng bawat ahensya sa pagsunod sawrit of mandamus.

Ang DENR ang pangunahing ahensya na responsable sa pagpapatupad ng Operational Plan ng Manila Bay Coastal Strategy sa pinakamaagang posibleng panahon.

Ang DILG ang mag-uutos sa lahat ng LGU sa NCR, Rehiyon 3 at 4A na siyasatin ang lahat ng mga pabrika, komersyal na establisyimento, at mga pribadong tahanan sa tabing mga pampang ng mga ilog sa kani-kanilang mga lugar na nasasakupan, na kalaunan ay naglalabas ng tubig sa Manila Bay upang matukoy kung mayroon silang mga pasilidad sa paggamot ng wastewater o mga septic tank na itinakda ng batas, ordinansa, at mga tuntunin at regulasyon.

Ang mga pasaway na mga establisyimento at mga tahanan ay dapat bigyan ng sapat na panahon upang tumupad sa batas at ng hindi masarado o mapatawan ng multa at iba pang parusa.

Ang mga pasilidad sa paggamot ng waste water at mga pasilidad ng sewerage at sanitation ay itatayo at pananatilihin ng MWSS at ng LWUA.

Ang DA, sa pamamagitan ng BFAR, ang kikilos upang pabutihin at ibalik ang buhay-dagat ng Manila Bay. Huhulihin ng PCG at PNP Maritime Group ang mga lumalabag sa PD 979, RA 8550, at iba pang umiiral na batas at regulasyon na idinisenyo upang maiwasan ang marine pollution sa Manila Bay.

Ang PPA ang sasaway sa mga barko na nag-aatraka sa mga pier na nagtatapon ng mga solido at likidong basura at iba pang mga basurang likha ng barko sa karagatan ng Manila Bay.

Ang MMDA ang mangunguna sa pagtanggal ng mga istruktura at iba pang mga encroachment sa mga ilog at esterong NCR na labag sa RA 7279. Ang DPWH naman ang bahala magtanggal ng mga encroachments sa mga ilog at estero sa Rehiyon 3 at 4A .

Ang DOH ang titiyak na lahat ng mga lisensiyadong kumpanya ng septic at sludge ay mayroon tamang pasilidad para sa paggamot at pagtatapon ng nakolektang dumi mula sa mga septic tank.

Dapat isama sa kurikulum ng DepEd ang aralin sa pag-iwas sa polusyon, pamamahala ng basura, pangangalaga sa kapaligiran, upang maikintal sa isipan at puso ng mga mag-aaralang mga ito.

Ang DBM ay dapat maglaan ng pondo sa taunang badyet ng pamahalaan upang mabayaran ang mga gastos na may kaugnayan sa paglilinis, pagpapanumbalik, at pangangalaga ng kalidad ng tubig ng Manila Bay.

Maayos ang takbo ng pagpapatupad ng Manila Bay Coastal Strategy hanggang sa magkaroon ng pagbabago ng Pangulonoong 2016. Balewala sa DENR ang writ of mandamus. Ang Dolomite beach ay binuksan sa publiko noong 2020 at 22 reclamation projects sa Manila Bay ang inaprubahan ng PH Reclamation Authority noon 2019.

Sa aking mga mata, maliwanag na paglapastangan ito ng DENR at PRA ng Administrasyon Duterte sa Korte Suprema at Manila Bay Advisory Committee.

AUTHOR PROFILE