Default Thumbnail

Pagbabakuna sinimulang muli sa Maynila

May 17, 2022 Edd Reyes 228 views

MULING pinaigting ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila ang pagbabakuna laban sa COVID-19 para sa una at ikalawang dose sa mga indibiduwal na kabilang sa A1 hanggang A5 priority groups sa 44 na health centers at apat na mall sa lungsod.

Ito ang ini-anunsiyo ni Mayor Isko Moreno kasabay ng pahayag na pinapayagan din ang walk-in kahit sa mga hindi residente ng Maynila na nagnanais magpaturok ng una at ikalawang dose ng bakuna.

Sa mga kabataan naman na ang edad ay mula 5 hanggang 17-taong gulang na nagnanais makatanggap ng una ang ikalawang dose ng bakuna, binuksan ng lokal na pamahalaan ang Manila Zoo at ang lumang gusali ng Ospital na Maynila bilang mga vaccination sites bukod pa sa 44 health centers at apat na malls.

Puwede na ring tumanggap ng kanilang unang booster shots ang mga nasa hustong edad na kabilang sa A1 hanggang A5 priority groups na may tatlong buwan o higit pa na nakatanggap na ng una ang ikalawang dose ng bakuna ang 44 na health centers at apat na malls sa lungsod.

Samantala, ang lahat ng mga tinaguriang immunocompromised individuals na may edad na 18 pataas o yung mga dumaranas ng mga malalang karamdaman tulad ng HIV, cancer, nakapagpa-transplant, mga nakaratay sa pagamutan at iba pang may hindi magandang lagay ng kalusugan ay maaari ng bigyan ng kanilang ikalawang booster shots sa anim na pagamutan ng lungsod at maging sa mga health centers at malls.

Sinabi pa ni Mayor Isko na 24-oras na ring bukas sa mga motorista na nagmamaneho ng sasakyang may apat na gulong ang Quirino Grandstand vaccination site habang ang mga riders na gamit naman ay motorsiklo o bisikleta ay puwede na ring magpabakuna ng unang dose ng kanilang booster shot lamang.

“Para po sa kaalaman ng lahat, ipakita lamang po ang inyong QR code para sa verification at dalhin lamang po ang inyong ID sa inyong pagpunta sa mga vaccination sites at huwag kalimutan ang pagsunod sa health protocols pagdating sa lugar ng bakunahan,” pahayag pa ni Mayor Isko. Ni Edd Reyes

AUTHOR PROFILE