Gun

PAARALAN ‘PAGBABARILIN PASASABUGIN!’

April 11, 2023 Edd Reyes 219 views

BINULABOG ng tatlong sunod na bomb threats ang isang paaralan Martes ng madaling araw sa Navotas City.

Unang natanggap dakong ala-1:40 ng madaling araw ni P/Cpt Luisito Dela Cruz, staff duty officer ng Navotas police, ang text mula sa “Text JRT” na naglalaman ng katagang “Magandang Umaga po ako po ay magrereport at hihingi ng tulong na mabantayan ang San Roque National High School dahil may kumakalat na threat na bobombahin at pamamaril bukas sa messenger. Para po sa kaligtasan. at kapanatagan ng loob ng mga taong papasok doon bukas. Maraming salamat po.”

Sumunod na natanggap ng pulisya ang isa pang text kung saan nakasaad ang katagang “Good day po. Hingi po sana kami ng tulong may pagbabanta pong natanggap ang aming coteacher na nagsasabing pasasabugin ang school at mamamaril sa paaralan. Hingi po sana kami assistance, san roque national hs po ito.”

Pinakahuli ang text na nagbabalang “May bomb threat sa San Roque National High School. Please pakibigyan po agad ng action. Malapit na pong pumasok ang mga estudyante at mga empleyado.”

Kaagad rumesponde ang mga tauhan ng Sub-Station 2 at Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) ng Navotas police sa San Roque National High School sa Leongson St., Brgy. San Roque, upang alamin ang sitwasyon.

Dakong alas-4:13 ng madaling araw nang ipakalat sa naturang lugar ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) at Explosive Ordnance Disposal (EOD) team upang galugarin ang paaralan makaraan ang ginawang koordinasyon sa duty lady guard ng paaralan na si Elizabeth Lepasana.

Alas-5:20 ng madaling araw nang ideklarang “cleared” ng mga pulis ang nasabing paaralan matapos wala silang makitang pampasabog o IED sa nasabing lugar kaya’t tuloy ang klase ng mga mag-aaral.

Bunga ng naturang bomb threat, iniutos ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio Penones, Jr bantayan ang paligid ng naturang paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at mga guro.

AUTHOR PROFILE