Paano ang Pasko sa panahon ng pandemic? 

December 5, 2021 Joey C. Papa 39 views

Tuloy pa rin ang pasko para sa mga Pilipino. Ang dami nang namamasyal sa mall, sa mga lalawigang nagbukas na ng mga ilaw ng kanilang parol at christmas tree.

Sigaw ng isang namasyal, “ Let there be light!,” sabay tawa ng pagsasaya

Parang ang tagal na raw ng kadiliman sa bansa na umabot ng mahigit isang taon dahil sa Covid 19. Ang ibig niyang sabihin ay kadiliman ng lungkot.

Isang kakilala kong sastre ang nagpunta sa Divisoria upang mamili ng tela at mga sinulid para sa order sa kanyang mga scrub suit.

Sandamakmak daw ang tao sa Divisoria pagdating niya sa lugar.

Dumiretso na lang siya sa suki niyang binibilhan ng tela at iba pa.

Minadali niya ang nagbabalot ng mga pinamili niya. Habang ibinabalot ang pinamili, pumunta siya sa gawing sulok kung saan nakikita niya ang mga taong humahangos sa pamimili.

Kaunti lang ang namimili sa tindahan ng mga telang pinuntahan niya. Ngunit sa labas nito ay sangkatutak ang mga taong naglalakad papunta sa mga bibilhan nila.

Natanaw niya ang palengke. Tindahan ng mga gawang damit, sapatos at mga laruan. Dikit-dikit na raw ang mga tao.

“Parang walang covid! Magkakadikit na ang mga katawan ng mga tao, ang mga face mask ay halos hindi na nakasuot, nasa baba na lang habang nagtatawaran sila ng pasigaw!” kuwento ng sastre.

Pagkabalot daw ng pinamili niya, mabilis siyang nagbayad at mabilis ding lumabas ng tindahan ng tela.

“Parang gusto kong lumipad nang mga oras na ‘yon! Hindi ko rin maiwasang mapadikit sa mga taong nakakasalubong ko dahil punong-puno na ang bangketa at kalsada ng mga taong naglalakad,” dagdag ng sastre.

Wala raw siyang magawa kundi laging ayusin ang kanyang face mask na basang-basa na ng pawis. Basang-basa na rin daw ang suot niyang polo.

Naisip niyang tuwang-tuwa ang virus sa dami ng tao. Para daw may malaking rali na hindi nababawasan ang mga tao!

Sinabi ko naman sa kanya na baka marami sa mga namimiling tulad niya ay bakunado na. Ngunit sinagot niya na kailangan pa rin naman ng physical distancing at tamang pagsusuot ng face mask kahit bumababa na ang kaso ng Covid 19.

“Nagkaroon pa ng variant na Omicron ang Covid 19, kahit wala pa sa Pinas, paano ngayon,” tanong ng sastre.

Todo ingat pa rin ang kailangan sagot, ko sa kanya. Dapat laging malinis ang mga kamay. Kung galing sa labas , maligo at labhan agad ang mga isinuot bago pumasok ng bahay.. Dapat pa ring laging suot ang face mask at sampung dipa ang agwat ng bawat isang tao.

Ginagawa naman daw niya yon. Dangan nga lang sa barangay nila ay may mga pasaway pa rin na tinatanggal ang mga face mask habang nakikipakuwentuhan sa bangketa.

Maingat ang sastre dahil umuwi siya sa bahay nila kasama ang mga anak niya at mga apo. Mahal niya ang mga ito.

Ipagdiriwang pa rin daw ng pamilya niya ang Pasko kahit may pandemic. Malungkot na ang Pasko natin nong nakaraang taon. Ngayong bumaba ang kaso ng covid puwede naman sigurong makita ang mga kapatid upang makapagusap man lang daw ng harapan kahit na may face mask.. Natural susundin pa rn daw ang lahat ng health protocol.

“Kailangang sampung doble pa rin ang ingat hanggang hindi nagiging zero Covid 19 ang buong mundo, “ paliwanag ng sastre.

AUTHOR PROFILE