P5k arawang multa sa mga babalewala sa LPG Law
Babala ng DOE:
SA isa pang pagkakataon, muling binalaaan ng Department of Energy (DOE) ang mga negosyante sa industriya ng LPG na tigilan na o iwasan ang mga ilegal na aktibidad upang hindi mapatawan ng malaking arawang multa sa ilalim ng ipinapatupad na batas.
Sa isang panayam sa DWIZ 882, binigyang-diin ni Robert Cardinales, Senior Science Research Specialist ng DOE, ang mga parusa para sa mga lumalabag sa LPG Law o ang Republic Act 11592, na mas kilala bilang “LPG Industry Regulation Act.”
Sa ilalim ng naturang batas, Sinabi ni Cardinales na ang mga mahuhuling nagnenegosyo ng LPG nang walang License to Operate (LTO) ay maaaring pagmultahin ng P5,000 kada araw, at ang mga paulit-ulit na lumalabag ay maaaring kasuhan ng mga kriminal na kaso, pagsasara ng negosyo, at habambuhay na diskwalipikasyon sa industriya.
Binigyang-diin ni Cardinales ang mahigpit na pagpapatupad ng batas at aniya, inaasahan ng DOE ang pagsunod ng lahat ng kasapi ng LPG industry sa mga licensing requirement at safety and code of practice.
Nagbigay ang DOE ng anim na buwang palugit, mula Enero hanggang Hulyo 7 ngayong taon, para sa lahat ng mga nagtitinda pero napupuna ng ahensiya na hindi sumusunod kaya patuloy na tinatanggap at ini-proseso nito ang mga aplikasyon para sa pag-isyu ng mga pahintulot sa mga kwalipikadong LPG.
“Noong October 2021, naisabatas ang LPG Industry Regulation Act. Ito ay naglalayon na i-regulate ulit ang dating deregulated na industriya ng LPG, maliban sa presyo. Ang aktibidad ng LPG ay ngayon ay nire-regulate na ng pamahalaan, kung kaya’t may mga kinakailangang lisensya at iba pang mga patakaran tulad ng kaligtasan at mga kode ng kaligtasan. Ito ang aming ipinatutupad,” paliwanag ni Cardinales.
Mula pa noong Hulyo, ang mga tauhan ng DOE, kasama si Cardinales, ay nagsasagawa ng nationwide inspection sa mga LPG retailers, dealers, refillers, transporters, refineries, at importers.
Layunin ng mga inspeksiyong ito na tiyakin ang pagsunod sa mga licensing requirements at safety standards at kabilang sa mga huling siniyasat ay ang mga lalawigan ng Rizal at Quezon.
“Usually ang violation na nakikita namin ay ‘yung mga tinatawag na generic cylinders, ‘yung mga walang pagkakakilanlan kasi requirement sa tangke na kailangan, properly mark at mayroong ownership so iyon ang isang binabantayan namin,” ayon sa opisyal.
Panawagan ng ahensiya sa mamamayan, ireport sa kanila ang anumang ilegal na aktibidad na ginagawa ng mga negosyante ng LPG sa lugar ng mga ito.