belmonte

P50M pondo binigay sa 10 QC hospital

August 2, 2023 Zaida I. Delos Reyes 162 views

PINANGUNAHAN ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pagbibigay ni Senator Joel Villanueva ng P50 milyong pondo para sa 10 hospital sa lungsod.

Sa isang seremonya na ginanap nitong Miyerkules sa Quezon City hall, nilagdaan ng alkalde ang memorandum of agreement sa pagitan ng Department of Health (DOH) at 10-QC based hospital para sa turn-over ng naturang pondo na bahagi ng Medical Access Program (MAP) fund ng Senador.

Ayon sa napagkasunduan, mula sa nasabing pondo, tatanggap ng tig-P5 milyong pondo ang 10 hospital na kinabibilangan ng East Avenue Medical Center, Lung Center of the Philippines , National Children’s Hospital, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Children’s Medical Center, Philippine Heart Center, Philippine Orthopedic Center, Quezon City General Hospital, Quirino Memorial Medical Center at Veterans Memorial Medical Center.

Kaugnay nito, pinasalamatan ng alkalde ang Senador sa kanyang inisyatibo para mapalakas pa ang pagtugon sa kampanya ng lungsod na magkaroon ng malusog na populasyon.

Aniya, ang kalusugan ang isa sa kanyang mga top priorities upang ang bawat mamamayan ay magkaroon ng access sa healthcare system.

Sinabi din ng alkalde sinusuportahan nya ang commitment na ito para maihatid ang tulong sa mga nangangailangan ng serbisyong medikal.

Sa panig naman ng Senador, sinabi ni Villanueva na kung kilala siya bilang tagapagtaguyod ng mga trabaho at training sa bansa ay numero uno ding prioridad ang programang pangkalusugan .

Iginiit nito na ang bawat mamamayan na nagta trabaho ay kailangang maging healthy para maitaguyod ang pamilya.

Kauna unahan anya ang QC sa hanay ng mga LGU na maging partner sa pamamahagi ng tulong medical sa mga ospital dahil sa lungsod matatagpuan ang mga specialty at malalaking ospital sa bansa bukod sa kaibigan ng kanilang pamilya ang pamilya Belmonte.