BBM

OFWs na nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia nabayaran na

February 6, 2024 Chona Yu 147 views

NABAYARAN na ng pamahalaan ng Saudi Arabia ang sweldo ng mga overseas Filipino workers (OFWS) na nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng mga construction companies 2015 hanggang 2016.

Sa video message, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na 843 na tseke na nagkakahalaga ng P700 milyon ang na-clear at credited na.

Sa kabuuan, nasa P868,740,544 na indemnity checks na ang na-clear ng Alinma Bank sa pamamagitan ng Landbank of the Philippines at na-transmit na sa Overseas Filipino Bank (OFB).

“Nais ko lang balitaan ang ating mga OFW na galing sa Saudi na patuloy na ang pagbayad ng insurance ng Saudi Arabia sa mga empleyado ng mga kumpanyang nabangkarote na nag-file ng claim sa insurance. Naka-process na ang Overseas Filipino Bank at Land Bank ng 1,104 Alinma Bank Indemnity Cheque. Alinma Bank ‘yung ginagamit sa Saudi Arabia,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Nabayaran ang sweldo ng mga OFW matapos mangako sa kanya noon si Saudi Crown Prince Prince Mohammed bin na aakuin na lamang ang pagbabayad.

Nagkaroon kasi ng pagpupulong sina Pangulong Marcos at Crown Prince sa sidelines ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Bangkok, Thailand noong Nobyembre 2022.

“Ang halaga ng mga na-release na tseke is P 868,740,544 na nairelease na. 1,014 ang na clear na at credited, ‘yung 843 doon, nabayaran na,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Patuloy nga ang pangako ng Crown Prince ng Saudi Arabia — ang pangako niya sa atin na ibabayad nila yung insurance claims. Kaya’t magandang balita ito para sa ating mga OFW sa Saudi,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Nasa 10,544 na OFW ang hindi nakatanggap ng sahod nang magsara ang mga construction companies dahil nabangkarote. Katumbas ito ng 2 billion Riyals.

AUTHOR PROFILE