Default Thumbnail

NO to Illegal Parking and Garaging!

January 22, 2024 Joey C. Papa 151 views

JoeyNAGLABAS ng pag-aaral kamakailan ang Tomtom International BV, isang location technology company na nagsabing ang Metro Manila ang siyang nangunguna sa 387 na mga lunsod sa buong mundo pagdating sa isyu ng malubhang trapik. Ito ay ayon sa ulat ng iba’t ibang mainstream at social media.

Kaya hindi na naman dapat pinagdedebatehan pa kung matrapik nga sa Kamaynilaan o hindi.

Lumibot ka lang ng isa o dalawang araw sa Kamaynilaan lalo sa mga ordinaryong araw ay mabubuwisit ka na sa trapik at malalason ka pa sa usok-lason-polusyon!

Kung gagamit ng drone, malalantad sa atin ang mahahabang sasakyan sa buong maghapon lalo na sa umaga at gabi. Hindi na nga ako ganadong lumabas ng bahay kung di rin lang mahalaga ang pupuntahan. Makikita na rin ang mga naka-iligal na Parking at Garaging sa mga secondary roads bukod sa mahabang pila ng mga sasakyan o mahigpit na trapik sa main roads.

Nakakalungkot at nakakainis na ang sitwasyon hindi lang sa Kamaynilaan kundi maging sa mga kalapit lunsod sa mga lalawigan sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Sa Nlex nga nagkakatrapik na nang matindi at iba pang mga expressway ng bansa.

Kaya kahit na walang pag-aaral ang Tomtom, umamin na lang ang mga namamahala ng trapiko sa bansa ay baka mayroon pang kalutasan ang matindi at malupit na trapik dito sa Metro Manila at iba pang lugar.

Umpisahan natin ang pagpapatupad ng mga batas trapiko. NO Illegal Parking, NO Illegal Garaging!

Ipatupad lang ang dalawang ordinansa at batas na ito ay malaking ang maitutulong sa pagluwag ng trapiko sa Kamaynilaan.

Isipin n’yong sa mga kalyeng daanan ng mga sasakyan, nakagarahe ang mga iresponsableng mga residente at tao sa lansangan! Kailan pa naging pag-aari ng mga pribadong tao ang mga kalye sa ating bansa? Labag ito sa konstitusyon dahil ang mga lansangan ay pag-aari ng Estado at maging ang mga lokal na pamahalaan ay hindi dapat gumagawa ng mga ordinansang nagpapasikip dahil ginagawang “private” parking at garahe ng mga sasakyan nila ang mga kalye.

Bukod sa mga main road, ang mga secondary roads ay dinadaanan na rin ng mga sasakyan upang makarating sa kanilang pupuntahan. Parang ugat natin ito na dinadaluyan ng dugo ng bayan.

Kailangang hindi ito barado. Kung magbabara dahil sa iligal na pagpaparada at paggagarahe, magkakaroon ng matinding trapik at aapektuhan nito ang Inang Kalikasan dahil sa dulot nitong polusyon at matatamaan ng husto ang ating ekonomya. Kung sa tao ang may baradong ugat, atake sa puso stroke ang dulot nito.

Hindi nga ba may pag-aaral na bilyon ang nawawala sa ating ekonomya dahil sa trapik? Matagal nang balita yan ngunit wala pa ring ginawa ang mga kinauukulan. ILIGAL pa ring NAKAPARADA at NAKAGARAHE ang mga sasakyan ng mga iresponsableng mga residente, motorista sa mga lansangan ng Kamaynilaan!

Anak naman ng putakte yan! Singtanda na ng lelang nila ang isyu ng trapik! Kung hindi pa maglalabas ng pag-aaral tulad nang ginawa ng Tomtom, hindi pa maglalabas ng pahayag ang mga kinauukulan na tila nagtataka pa na para hindi naman matrapik sa Metro Manila.

Ang sagot ay magsasagawa raw ng repair ng mga kalsada. Ano ba ‘yan!

KANSER na ang trapik sa Kamaynilaan. Mahirap bang spelingin yon?

Ipatupad ang mga batas trapiko! NO TO ILLEGAL PARKING AND GARAGING IN MAIN and SECONDARY ROADS OF METRO MANILA. Naniniwala Ako na mahigit sa kalahati ng problema sa trapik ay malulutas.

Kailangan lamang na ipatupad ito ng MATAPAT. Wala dapat “SOMETHING, SOMETHING!” At Walang drama –drama.

AUTHOR PROFILE