Default Thumbnail

Hall of Famer na tayo sa traffic congestion

January 22, 2024 Allan L. Encarnacion 153 views

Allan EncarnacionTALAGANG magkakaproblema tayo kung hindi natin alam na may problema.

Or baka mas matindi ang ating problema kung hindi natin aaminin na totoong may problema.

Hindi matanggap ni acting MMDA Chairman Don Artes ang top award sa Metro Manila bilang worst traffic condition sa buong mundo.

Ang maaring mali lang sa research findings ay na-generalize ang buong National Capital Region dahil hindi naman lahat ng sulok dito ay matrapik.

Pero kung iisa-isahin natin, puwedeng sabihin topnotcher ang Metro Manila kung ang ginamit na sukatan ay kahabaan ng Edsa, ang Quezon Avenue, ang Commonwealth, ang Roxas Blvd, ang mga pasukan at labasan ng Skyways, ang Nlex at Slex, ang Marcos Highway sa Marikina papuntang Cainta at Antipolo, ang Quirino Hway mula Mindanao Avenue hanggang doon sa dulo ng Susano Road, Novaliches at ang marami pang major roads.

Aba’y kulang pa pala ang award. Dapat ata Hall of Famer tayo.

Iyong binabanggit na kailangan ng 30 minutes para makalakbay ng 10km lang sa Metro Manila, puwede nating sabihing totoo ito sa maraming lugar pero hindi sa lahat ng lugar. Edsa ang gold medalist!

Pero hindi natin ito isinisisi sa MMDA dahil malaking contributory factor din dyan ang mga walang disiplinang mga tsuper, ang mga illegal parking, ang mga walang pakialam na pasahero at drivers na gumagamit ng ating mga lansangan. At hindi lang dumating ang problemang ito ngayong panahon ni Chairman Artes, minana niya lang dito ito.

Ang maipagkakapuri mo rin sa MMDA, hindi naman sila tumitigil at walang humpay ang kanilang pagsisikap na lutasin ang problema ng pagsisikip ng daloy ng mga sasakyan sa maraming lugar sa Metro Manila. Hindi lang talaga kinakaya dahil sa sobrang taas ng volume o dami ng mga sasakyan.

Idagdag mo pa ang patuloy na paglakas ng benta ng mga car dealers taun-taon. Dumadami ang mga sasakyan pero hindi dumadami ang mga kalsada.

Malaking tulong nga sana ang mga Mabuhay Lanes pero nagiging Lamayan Lanes na rin ang marami sa mga ito dahil sangkatutak ang obstructions mula sa mga nakaparadang mga sasasakyan, mga kulahan ng labada, mga kulungan ng mga panabong kasama na ang mga illegal terminals ng mga tricycle.

Doon lang sa 11th Avenue sa Caloocan City, pagpasok mo kung nagmula ka sa A. Bonifacio or palabas ka, wala nang makadaan dahil nasa kaliwa ang mga illegal terminal ng tricycle tapos may mga tindera pa ng isda at mga vendors ng kung anu-ano sa kanan. Paging Mayor Along Malapitan.

Isang halimbawa lang yang 11th Avenue pero kapag umikot ka sa Metro Manila, madidiskubre mong dead on the spot na ang maraming Mabuhay Lanes kaya nakakadagdag ito sa award-winning traffic ng NCR.

Ang problema ng traffic congestion ay hindi lang dapat problema ng MMDA at ng local traffic enforcers, kailangan nating magtulungan sa pagresolba nito.

Samantala, habang nagsesentimyento tayo sa negatibong parangal na ito, pag-isipan nating mabuti kung paano lilinisin ang ating mga kalsada sa obstructions at mga stupid drivers!

[email protected]