Default Thumbnail

Negosyante dedo sa ‘pagdemo’ ng baril sa Kyusi

October 20, 2022 Melnie Ragasa-limena 269 views

NASAWI ang isang negosyante nang paputukan umano nito ng baril ang kaniyang ulo sa harap mismo ng kaniyang ina sa loob ng kanilang condo unit sa Quezon City, Miyerkules ng gabi.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 8:30 ng gabi (Okt. 19), nang maganap ang insidente sa loob ng tahanan ng biktima sa Bgy. Bagong Bayan, Quezon City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, bago naganap ang insidente ay tinuturuan umano ng biktima ang kaniyang ina kung paano gamitin ang kaniyang baril sa loob ng kanilang condo.

Habang nagpa-practice ng dry fire, sa hindi umano malamang dahilan ay kinargahan ng biktima ng isang bala ang baril saka itinutok sa ulo at agad na pinaputok.

Agad na duguang bumulagta ang biktima habang ang ina naman niya ay tulirong nagtatakbo upang humingi ng saklolo sa kanilang mga guwardiya.

Pero pagdating ng mga guwardiya ay wala nang buhay ang biktima kaya agad nilang inireport ang insidente sa mga awtoridad.

Nasamsam sa crime scene ng QCPD Forensic Unit na pinamumunuan ni P/Captain Erick Angay Angay ang isang 9MM Glock 19 Gen 5 USA na may serial number at walang magazine, dalawang magazines na loaded ng 16 piraso ng 9MM live ammunition, isang cartridge case, at P472,000 cash.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa naganap na insidente kung ito ay “accidental firing” o sadyang nagbaril sa sarili ang biktima.