Default Thumbnail

Negosyante arestado sa robbery-extortion

December 9, 2021 Melnie Ragasa-limena 245 views

INARESTO ng mga awtoridad sa ikinasang entrapment operation ang 39-anyos na negosyante na nang-blackmail umano sa kaibigang engineer na ipo-post sa social media ang mga lewd videos at photos nito kung hindi magbibigay ng P125,000 cash sa Quezon City, nitong Miyerkules ng hapon.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) ng Batasan Police Station 6 (PS 6), bandang 3:30 ng hapon (December 8), ng isagawa ang entrapment laban sa negosyante sa Commonwealth Avenue, Royal Place sa harapan ng Ever Gotesco Mall, Brgy. Batasan Hills, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl Rasul A Monib ng PS 6, nagreklamo ang biktima noong Disyembre 3 na pinagbabantaan umano siya at bina-blackmail ng negosyante na ipo-post sa social media ang mahahalay niyang videos at mga larawan na nakunan nito noong nag-iinuman sila.

At upang hindi umano ikalat sa social media ang mga lewd videos at photos ng engineer ay humihingi ng P125,000 ang suspek at inutusan ang biktima na ipadala ang pera sa pamamagitan ng Palawan Express.

Dahil dito ay humingi ng saklolo sa mga awtoridad ang biktima kaya agad na nagsagawa ng entrapment operation ang mga operatiba ng PS 6.

Nakipag-transaksiyon ang biktima sa suspek kung saan sila magkikita ngunit lingid sa kaalaman ng negosyante at ay mga kasama nang pulis ang kinikikilang inhinyero.

Nang magkita ang biktima at supek ay agad na kinuha ng negosyante ang P150,000 boodle money kaya laking gulat niya ng bigla siyang dakmain ng mga awtoridad.

Narekober ang mga ebidensiya na P150,000 boodle money at isang unit HUAWEI Cellphone na ginagamit ng suspek sa kaniyang pangba-blackmail sa biktima.

Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang kasong robbery-extortion laban sa kaniya.