Posas

Nanutok ng boga timbog sa Navotas

October 5, 2023 Edd Reyes 183 views

NALAMBAT ng pulisya ang pedicab driver na nanutok ng baril sa kapwa driver matapos magkasagian ang kanilang pedicab Miyerkules ng madaling araw sa Navotas City.

Hindi na nakapalag ang 47-anyos na pedicab driver, ng R-10, Sitio Sto Niño, Brgy NBBS Proper, nang dambahin ng mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station-4 habang hawak pa ang kalibre 38 na revolver na itinutok sa ulo si Ninito Bacud, 46.

Sa ulat ni P/SSg. Edison Mata, imbestigador, kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, dakong alas-4:40 ng madaling araw nang hindi sinasadyang masagi ng pedicab ng biktima ang pedicab ng suspek sa C-3 Road.

Sa galit ng suspek, binangga rin niya ang pedicab ng biktima.

Para naman makaiwas sa gulo, lumipat ng pila sa Road-10, Sitio Sto. Nino si Bacud pero sinundan pa siya ng suspek para tutukan ng baril sa ulo sabay sigaw ng “Papatayin kita, gago.”

Dito na nagtatakbong palayo si Bacud at masuwerteng nakahingi ng tulong sa pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Nabawi ng pulisya sa suspek ang isang kalibre .38 revolver na may tatlong bala.

AUTHOR PROFILE