Default Thumbnail

‘Nag-merienda pa kami bago siya nalunod!;

February 22, 2023 Edd Reyes 261 views

NAG-MERIENDA pa kami!”

Marahil ito ang naging hinagpis ng isang ama matapos na lumutang nang bangkay ang kanyang limang-taong gulang na anak na lalaki na nagpaalam lamang makikipaglaro sa mga kaibigan sa labas ng kanilang bahay Martes ng hapon sa Navotas City.

Naging emosyonal ang ama ng bata na si Randy Cabagani, 33, ng 151 Masipag St., Brgy. Tanza 1 nang matunghayan ang katawan ng anak na kasama pa niyang mag-meryenda bago ang pangyayari kaya’t nagpatulong pa rin siyang isugod sa Malabon City Hospital ang bata subalit idineklarang patay na ng mga sumuring doktor.

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl. Billy Godfrey ng Navotas Police Station, niyakag ng ama ang anak na magmeryenda pagdating buhat sa trabaho dakong alas-5 ng hapon.

Makaraan silang magmeryenda, nagpaalam ang bata na makikipaglaro lamang sa labas ng bahay subalit dakong alas-5:20 ng hapon, nakita ng pinsan ni Cabagani na si Mahdie Esmael, 25, na lumulutang sa Coastal Dike sa Brgy. Tanza 1 ang bangkay ng bata kaya’t noon din ay hinatak niya ang biktima sa pampang at ipinabatid sa ama ang natuklasan.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Navotas police chief P/Col. Allan Benitez Umipig, walang nakitang anumang uri ng sugat sa katawan ang bata na senyales na hindi siya naging biktima ng karahasan.

Nasa pangangalaga na sa pasilidad ng Central Funeral ang bangkay ng bata para sa pag-aasikaso ng kanyang libing.

AUTHOR PROFILE