Nadine

Nadine matinding diet ang ginawa para makabalik

March 16, 2024 Eugene E. Asis 88 views

MALIBAN sa kaunting kailangan pang bawasang timbang, maganda pa rin ang Starstruck alumna na si Nadine Samonte.

Na-encounter namin siya sa holding area ng SM Megamall Cinema kung saan siya um-attend, kasama ng iba pang cast members, sa premiere night ng pelikulang ‘Layas’ ng Pinoyflix Films, sa direksyon ni Jose “JR” Olinares.

Inamin ni Nadine na na-miss talaga niya ang pag-arte kaya pinaghandaan ng aktres ang pagbabalik-showbiz.

Ang ganda pa rin ni Nadine bukod pa sa ang laki na ng kanyang ipinayat. Hindi nga halatang may tatlo na siyang anak.

Halos 10 kilo raw ang nawala sa kanya dahil sa pagba-boxing at pagda-diet, “Pinaghandaan ko talaga ito (pagbabalik-showbiz). Grabe rin ang diet na ginawa ko.

“Sabi ko, kapag nag-comeback ako, kailangan payat ako. Eh, lumaki talaga ako nang sobra. So nagba-boxing ako, aside from diet. At masaya ako ngayon,” sabi pa ni Nadine sabay tingin sa mister na si Richard Chua na nasa di kalayuan, kausap ang direktor ng pelikula.

Dalawang taong gulang na raw ang kanyang bunsong anak kaya pwede na siyang mag-showbiz uli. Super supportive naman daw sa kanya ang asawa.

“Basta salitan kami ng husband ko, kapag wala ako sa bahay, dapat nandoon siya. It’s time for me to work.

“Hinahanap ko talaga ang pag-arte, ang magtrabaho, magpuyat. Kaya noong mabigyan ako ng chance, in-accept ko na kasi, dahil sayang naman,” ani Nadine.

Sa tanong kung may limitasyon na ba siya sa pagbabalik-showbiz, “Alam naman niya na ako mismo ang umaayaw, like hindi na puwede ang kissing scene, o bed scene. Siguro mga smack and all, okay lang.

“Actually, ang husband ko mismo ang may gusto (pagpapa-sexy). Siya ang nagsasabi na okay lang. Ako talaga ang nagsasabi na wait lang, tingnan muna natin. Mas conservative talaga ako sa kanya,” sabi pa ni Nadine habang tumatawa.

Samantala, puring-puri naman ni Direk Jose si Nadine dahil wala pa rin itong kupas sa pag-arte dahil puro take one lang ang mga eksena.

Base sa true-to-life stories ang “Layas” na isang heart-rending story ng limang naglayas na bata na nakaranas ng hirap at mga pagsubok sa buhay hanggang sa makamit nila ang inaasam na tagumpay.

Isinulat ito ni Jocelyn Rayton, executive producers naman sina Norida Nakamura, Tricia Bancod, at Mary Ann Villamor. Kasama rin dito sina Michelle Vito, Joem Bascon, Alex Medina, Dianne Medina, Ping Medina, Dindo Arroyo, Pamela Ortiz, Poppo Lontoc, Trish Bancod, with the special participation of Norida Nakamura.

Nandiyan din ang mga batang bida sa “Layas” na sina Alodia Buenio, Kristine Buenio, RG Guinolbay, Gwynn Villamor, James Estrella. Showing na ngayon ang “Layas” sa mga sinehan at mapapanood din sa ibang bahagi ng Amerika at Japan.

Rated R-13 ang “Layas” ng MTRCB at sinuportahan ng Municipal Social Welfare and Development (Binangonan), Pamahalaang Bayan ng Binangonan, Pamahalaang Bayan ng Tanay, at Team Foundation.

Samantala, may bagong TV series na ginagawa si Nadine sa kanyang home studio na GMA7, ang ‘Forever Young’ kung saan kasama niya si Alfred Vargas sa ilalim ng direksyon ni Gil Tejada.

AUTHOR PROFILE