Rape Ang ‘rape’ suspek na nadakip habang isinisilbi ang arrest warrant. Larawan mula sa Batangas PPO PIO

MWP sa kasong ‘rape’, tiklo sa Padre Garcia

May 20, 2023 Jojo C. Magsombol 209 views

TIKLO ng mga otoridad ang isang “most wanted” na lalake na suspek sa kasong “rape” sa ginawang full manhunt operation sa Padre Garcia, Batangas Biyernes ng umaga, base sa report.

Ayon sa ulat ni Provincial Director P/Col. Pedro D. Soliba kay PRO (Police Regional Office) Calabarzon Regional Director P/BGen. Carlito M. Gaces, ang suspek ay isang 24-anyos na construction worker at residente ng San Jose, Batangas.

Ang suspek na most wanted sa regional level ay inaresto alas-9 ng umaga, Mayo 19 sa bisa ng warrant of arrest sa nasabing kaso na inilabas ng Regional Trial Court, Branch 87 ng Rosario, Batangas na may petsang Agosto 27, 2020.

Noong Setyembre 12, 2019, personal na humarap sa tanggapan ng Padre Garcia Municipal Police Station (MPS) ang biktima kasama ang kanyang ama upang magsampa ng reklamo laban sa suspek.

Alinsunod dito, noong Marso 30, 2019, Abril 19, 2019, at Hunyo 9, 2019 nangyari ang panggagahasa umano sa biktima sa loob ng kanilang bahay sa naturang bayan.

Ang akusado ay kasalukuyan nasa kustodiya ng Padre Garcia MPS habang ang korteng pinagmulan ng warrant of arrest ay iimpormahan sa kanyang pagka-aresto.

“Hinihikayat namin ang mamamayan na magbigay sa amin ng impormasyon at ito’y tatrabahuin namin sa abot ng aming makakaya,” pahayag ni Soliba.

AUTHOR PROFILE