BINI

Music video ng Bini, humahakot ng views sa YouTube

June 15, 2021 People's Tonight 351 views

Mainit ang pagtanggap ng fans sa palaban at mas confident na BINI dahil humakot agad ng libu-libong views ang music video ng Born to Win, ang opisyal na debut single nila na inilabas kasabay ng official launch nila bilang isang girl group noong nakaraang linggo.

Sa ngayon, may higit sa 410,000 views sa YouTube ang music video nito at trending pa rin sa Pilipinas apat na araw pagkatapos itong i-release.

Nakakuha rin ito ng higit sa 200,000 views sa loob lamang ng 24 oras.

Ang Born to Win ay isang electronic-pop song tungkol sa walang takot na pagharap sa anumang hamon ng buhay.

Patok sa fans at inulan ng maraming papuri ang kakaibang music video nito kung saan makikita ang mga miyembrong sina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna at Sheena na kumakanta at sumasayaw suot ang iba’t ibang enggrandeng damit.

Patuloy rin sa paggawa ng ingay ang BINI dahil nagtala rin ng higit sa 100,000 views ang live performance nila noong Linggo (Hunyo 13) sa ASAP Natin ‘To sa loob ng 24 oras.

Ipinakilala ng BINI ang palabang look at tunog nila sa kanilang opisyal na grand launch bilang grupo sa KTX.PH, na mababalik-balikan ng fans ngayong weekend sa pagpapalabas nito sa A2Z sa Sabado (Hunyo 19), 4:30 p.m., at Kapamilya Channel sa Linggo (Hunyo 20), 9:45 p.m.

Mapapanood sa launch ang pagrampa ng grupo ang iba’t ibang espesyal na mga disenyo na nilikha ng sikat na Filipino designer na si Francis Libiran at pagpasiklab sa performance nila ng Da Coconut Nut at Born to Win.

Nagpakitang-gilas din ang girls sa iba’t ibang song and dance numbers – sina Gwen at Sheena sa performance nila ng Tagu-Taguan ni KZ Tandingan, sina Colet, Jhoanna, at Maloi sa pagbirit nila ng Biyaya ni Janine Berdin, at sina Aiah, Stacey at Mikha sa orihinal nilang kantang World War C, na layuning magbigay-inspirasyon sa mga tao ngayong pandemya.

Sa naturang launch, napanood din ng fans ang mga pinagdaanan ng mga miyembro bago mabuo bilang grupo, kabilang na ang puspusang training nila sa ilalim ng Star Hunt Academy ng ABS-CBN.

Maraming pang dapat abangan ang fans ng BINI o BLOOM ngayong taon dahil bukod sa release ng kanilang full debut album at iba’t ibang bersyon ng Born to Win sa wikang Japanese, Spanish, Thai, at Bahasa, magkakaroon din sila ng concert kasama ang brother group nilang BGYO.

AUTHOR PROFILE