Default Thumbnail

Murder suspect nang-hostage ng pamilya, patay sa shootout

February 17, 2022 People's Tonight 590 views

PATAY ang sinasabing murder suspect nang makipagbarilan sa mga umaarestong mga awtoridad at nang-hostage pa ng pitong miyembro ng pamilya sa Quezon City, nitong Huwebes ng madaling araw.

Ang mga hinostage na mga biktima ay nakilalang sina Rosalinda Dalumpines, 54; Reynan Dalumpines, 25; Ma. Salvie Dalumpines, 14; Riza Dalumpines, 12; Arjay Dalumpines, 19; ang isang taong gulang na sanggol na si Renzo Andrei Dalumpines, at Marjorie Lacumba, 21, pawang naninirahan sa No. 264 Visayas Ext., Pasong Tamo, Quezon City.

Ang hostage taker na nakilala lamang sa pangalang Arthur Agpalo a.k.a “Eagleman” na may kasong murder ay idineklarang dead-on -arrival bandang 3: 24 ng madaling araw, ni Dr. Makie Tolosa ng East Avenue Medical Center.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City POlice District (CIDU-QCPD), bandang 2:50 ng madaling araw (February 17), nang maganap ang insidente sa No.264 Visayas Ext., Pasong Tamo, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon nina PCpl Juderick M Latao at PCpl Mark Andrew Reyes ng ng Holy Spirit Police Station (PS 14), ng QCPD, nagsagawa ng follow-up operation ang mga kanilang mga pulis sa pangunguna ni PMaj. Jun G Fortunato sa nangyaring shooting incident noong February 14, nang may magbigay ng impormasyon kung saan nagtatago ang mga suspek na alias Suysoy at Eagle man.

Hindi naman nabigo ang mga awtoridad at naaresto si Suysoy sa kasong RA 10591 at frustrated murder sa Commonwealth Avenue pero agad namang sumakay ng Mitsubishi Pajero ang isa pang suspek na si Agpalo.

Habang papatakas ay pinaputukan pa ng baril ni Agpalo ang mga awtoridad at pagkatapos ay agad na bumaba sa getaway vehicle at inabandona sa sa Panopio St., Pasong Tamo sa lungsod.

Gayunman, nasundan pa rin ng mga pulis si Agpalo sa tahanan ng umanoy girlfriend nito sa No. 108 Santan St., Pasong Tamo, kung saan ay muling pinaputukan ng suspek ang mga operatiba ng PS 14.

Muling nakatakas si Agpalo sa tahanan ng kaniyang girlfriend at pumasok naman sa tahanan ng mga biktima at ginawang hostages ang pitong miyembro ng pamilya Dalumpines.

Nagawa namang mailigtas ng mga awtoridad ang pitong miyembro ng pamilya Dalumpines matapos na mabaril ang nang-hostage na si Agpalo na agad namang isinugod sa nasabing ospital subalit binawian din ito ng buhay.

AUTHOR PROFILE